LightReader

Chapter 123 - Chapter 121: Boss vs. Kirsty (Trash Talk Segment)

Hindi naman binigyan ng atensyon ng FTT ang EPG dahil deri-deritso na silang naglakad at walang balak lumingon dahil nasa hulihan si Mrs. Sojurn na deritsong nakatingin sa daan. Kung si Coach Dang lang ang kasama nila baka kanina pa tiningnan ng masama ni Lucky ang mga players ng EPG at bigyan niya ito ng sign na 2-0 ✌️👌.

Pinakilala ni Ms. Phara ang bawat players ng dalawang teams simula sa clash laner hanggang sa roamer, nakapila sila sa magkabilang gilid ni Ms. Phara para simulan ang trash talk segment. Maririnig kaagad ang malakas na sigawan sa audience area kahit na hindi pa man tinatawag ni Ms. Phara kung sino ang mag-rerepresent sa dalawang teams.

Hinalungkat ng mga fans ang dating livestream ni Boss at nakita nila ang livestream nito na sinabihan niyang 'not enough practice' si Kirsty. Hindi nakakabukas ng social media account si Jacian kaya hindi niya alam na trending nakaraan ang pinutol na video ng mga fans sa part na sinabihan niyang 'not enough practice' si Kirsty. Sakto namang may trash talk segment sa group A at laban ng FTT at EPG kaya hinihintay nilang magharap sina Kirsty at Boss. Maging si Ms. Phara ay alam ang tungkol dito kaya hindi niya na pinatagal pa at tinawag sina Kirsty at Boss.

Matangkad si Kirsty at nasa 6'2 ito kaya nang magharap silang dalawa bahagyang iniangat ni Jacian ang kanyang mukha para tingnan ito sa mata. May kahabaan ang buhok ni Kirsty at mapapansin ang pagiging competitive sa kanyang mga mata at halatang hindi niya rin iyon tinatago, bahagya pa siyang yumuko para tingnan si Jacian habang may maliit na ngisi sa labi.

Hindi naman nagpakita ng kung anong ekspresyon si Jacian at hinintay lang ang itatanong ng host. Unang nilapitan nito si Kirsty para tanungin.

"Kirsty, ikaw ang mid laner sa PKL na kayang mag-pentakill at kaharap mo ngayon si Boss na nakapag-pentakill din. Paano mo mapapatunayan na ikaw ang pinakamagaling mag-pentakill sa PKL, ano ang palag mo?" Tanong ni Ms. Phara at nilapit ang mic kay Kirsty.

Yumuko si Kirsty para bigyan ng mapang-asar na tingin si Jacian at bahagya pang nilapit ang mukha. Nakakainsulto yung ginawa niya at maging ang mga players ng FTT na nasa kabilang gilid ay napasalubong ang kilay, lalo na si Lucky, siya ang unang nag-react at wala sa oras na bumaba ang nakahalukipkip niyang mga braso.

"Hindi mo nga kayang i-handle si Gan&Mo, ang talunin pa kaya ako." Saad ni Kirsty habang nakangisi sa harap ng mukha ni Jacian.

Audience: "Woooohhhh!!!"

Maririnig ang malakas na sigawan ng mga fans ng EPG habang chenicheer si Kirsty. Samantala tumahimik naman ang side ng FTT.

Hindi umiwas si Jacian kahit na nilapitan siya ni Kirsty at ngumiti lang siya habang tumatango-tango, makikitang kalmado siya at mukhang hindi nainsulto sa ginawa ni Kirsty. Binalingan naman siya ni Ms. Phara para siya naman ang tanungin.

Tiningnan niya si Kirsty at sinabing, "Galingan mo sana, ayoko kasing kalabanin yung mga hero na AFK."

Audience: "Wooohhh!!"

Ngayon, mga fans naman ng FTT ang nag-ingay.

"Boss! Eyy ka muna!" Sigaw pa ng isang fan na nasa VIP seat at umalingawngaw ang boses niya kaya bahagya natawa si Ms. Phara.

"Haha! Palag o palag. Fist bump." Ani Ms. Phara at nag-fist bump si Jacian at Kirsty bago sila dumeritso sa kani-kanilang match area.

Naiinis parin si Lucky hanggang sa maka-upo sila sa gaming chair at isuot ang kanilang noise-cancelling headphones, nahinto lang siya nang sabihin ng referee na magsisimula na silang mag-record.

Mabilis na natapos ang countdown sa big screen at nagsimula na ang ban/pick phase. Nasa blue side ang EPG kaya red side naman ang FTT. Naka-ban parin si Augran para sa first spot ng EPG samantalang Dolia naman ang first ban ng FTT. Iniisip nila na baka kumuha ng Yuhuan si Kirsty at kunin din nila si Dolia para sa double ultimate, kung makukuha ng EPG ang dalawang hero na 'to siguradong hindi na nila mapapatay si Kirsty. Wala silang planong i-ban si Yuhuan dahil marami silang pang-counter, ang kailangan lang nila i-ban ay yung mga hero na malakas ang coordination sa mid lane.

Nag-ban ng dalawang junglers ang EPG at sunod naman nilang binan ay si Jing. Si Sun Bin naman ang next target ng FTT at nilagay nila iyon sa ban spot. Dahil sa apat na ban spot ng dalawang teams na may dalawang junglers at dalawang support, bukas na bukas ang dalawang malalakas na marksman na sina Arli at Loong. Nasa blue side ang EPG kaya p'wede silang pumili ng isa sa dalawang marksman na 'to kung gusto nila.

Ngunit lumabas ang first pick ng EPG at kinuha nila si Yuhuan. Nagulat ang FTT dahil sa pag-pick ng EPG ng Yuhuan sa kabila ng pag-ban nila kay Dolia at Sun Bin na siyang best partners ni Yuhuan. Marami pa namang p'wedeng i-partner kay Yuhuan ngunit mahirap gumalaw kapag walang Dolia o Sun Bin. Mahalaga ang ultimate ni Yuhuan kaya kailangan niya si Dolia para sa double ultimate at si Sun Bin para sa speed up. Kung wala ang dalawang hero na 'to, sobrang hirap gamitin ni Yuhuan.

Nakakunot ang noo ni Mrs. Sojurn habang nakatingin sa first pick ng EPG, gagamit talaga ng Yuhuan si Kirsty? Hindi makapaniwalang tanong nila ngunit umiling si Jacian.

"Hindi siya ang gagamit ng Yuhuan, p'wedeng gawin nilang support ito tapos kumuha ng panibagong mid lane hero." Saad niya.

"Pero hindi naman gumagamit ng Yuhuan ang roamer ng EPG kasi signature hero 'to ni Kirsty." Segunda ni Lucky.

"P'wedeng kunin ni Kirsty si Gan&Mo." Dagdag pa ni Jacian, hindi niya pinansin ang sinabi ni Lucky. Alam niyang hindi lang ito basta match, gusto rin siyang inisin ni Kirsty. Gustong ipakita sa kanya ni Kirsty kung ano i-handle si Gan&Mo.

"Support nga 'to, support si Yuhuan." Saad din ni Blue matapos isipin ang mga hero na p'wedeng kunin ng EPG.

Tumango si Mrs. Sojurn. Hindi nila alam ang p'wedeng maging line-up ng EPG dahil masyado silang tago pagdating sa line-up. Hindi pa nakakakuha ng core ang EPG dahil p'wede nilang gawing support si Yuhuan, kaya hindi rin muna sila maglalabas ng core at kinuha si Dr Bian at Cai Yan. Parehong hero na malakas ang healing.

[Hala si Boss gagamit ng Dr Bian?]

[Guys, nakakatawa yung pick ni Gem na Cai Yan. Actually, marami pa namang support pero pinili talaga nila si Cai Yan?]

[Yan ang gusto ko kay Gem, may gustong patunayan.]

[Iba si Gem, matapang talaga!]

Commentator Zia: "Oh? Cai Yan..." Aniya at nilinga si Waver. "Very unusual."

Commentator Waver: "Yeah, akala ko nga Zhang Fei eh o di kaya Lian Po kasi tuwing Dr Bian ang mid lane laging si Lucky ang core."

Commentator Zia: "Oo, tsaka akala ko marksman ang priority ng dalawang teams na 'to kasi open yung Arli at Loong pero mali pala. Hindi pa nga kumukuha ng marksman ang dalawang teams eh, ngayon lang nangyari na iniiwang nakabukas ang dalawang magagaling na marksman kasi sa ibang team kung wala yan sa ban spot, first pick 'yan."

Commentator Waver: "Oo, pero mid lane at jungler kasi ang p'wedeng maging core ng dalawang 'to, kaya hindi muna sila kukuha ng marksman."

Lumabas ang line-up ng dalawang teams at makikitang kinuha ng FTT si Pei. Isang assassin's jungler na malakas ang mobility at malayo ang range. Isa si Pei sa malalakas na jungler at magaling mag-invade dahil sa kanyang mobility, unang beses itong mahawakan ni Just sa tournament kaya hindi alam ng mga fans kung gaano ito kalakas sa kamay ng Great Demon King. Ngunit nakita naman nila kung gaano kalakas sina Jing at Li Bai sa kamay ni God J na siyang mas mahirap gamitin kumpara kay Pei.

Sa VIP seat kung saan naka-upo sina Lessen at Shadow, parehong sumama ang kanilang itsura nang makita si Pei na ni-lock ni Just. Si Lessen ang kinakabahan para sa EPG.

"Naku, bakit hinayaan nilang makuha ng FTT si Pei. Ubos resources nila d'yan." Problemadong ani Lessen.

"Hindi rin kasi alam ng EPG na gumagamit ng Pei si Just. Tapos may Dr Bian, kapag itong si Just at si Boss nag-combo hindi na ako magtataka kung makaka-pentakill si Just." Saad ni Shadow.

Nagulat si Lessen ngunit tumango din siya para sumang-ayon. Ginamit ni Just si Pei na malakas ang mobility at kayang mag-poke, medyo tanky din si Pei kaya hindi siya basta basta mamamatay. Si Dr Bian naman ay malakas ang healing at CC. Kung magkakaroon ng teamfight gagamitin lang ni Boss ang kanyang healing skills para i-heal si Just at makakababad na si Just sa teamfight, para sa side ng EPG hindi na nila mapapatay si Just 'pag ganun.

Nang mabuo ni Lessen sa kanyang isipan ang p'wedeng mangyari sa teamfight, mas lalong sumama ang kanyang mukha.

"Ay naku kung ako niyan nag-surrender na ako. Agahan na nila kaagad." Saad niya.

Bahagya namang tumawa si Shadow na nasa tabi niya.

Nang magsimula ang match, makikitang dumaan si Just sa kanyang jungle at tumawid sa river para pumunta sa crimson golem ng EPG. Inatake niya ang crimson golem at tinago iyon sa damuhan habang kinukuha.

Lessen: "..."

Ito na nga yung sinasabi niya kaninang mauubos ang resources ng EPG.

Tinapos nakawin ni Just ang crimson golem ng EPG sa pamamagitan ng smite. Pagkatapos nun, kinuha niya naman ang roster sa gilid.

Lessen: "..."

Nang pumunta ang jungler ng EPG sa kanyang crimson golem wala siyang ibang nadatnan kundi ang lalagyan. Mapapansin sa big screen kung saan mapapanood ng mga audience ang match na kakaiba ang gameplay ni Just. Ninakawan niya ng resources ang EPG at kinuha pa yung hayop doon malapit sa high ground, 2 minutes palang sa match ngunit nakaabot na si Just sa high ground para lang nakawan ang EPG!

Mararamdaman ang pagiging agresibo ni Just dahil matapos nakawan ang EPG pumunta siya sa mid lane para doon dumaan at ginamitan si Kirsty ng skill 1 nang lumabas ito ng tower. Pagkatapos nun, pumunta ito sa sariling jungle para kunin ang kanyang blue buff.

Lessen: "!!!"

Napailing si Shadow dahil sa bilis ni Just. "Grabe, dadaan nalang mang-popoke pa. Iba si idol, mainit."

"Hindi na yan aggressive, may galit na yan." Saad naman ni Lessen.

Hindi nagkamali ang FTT nang hulaan nilang magiging support si Yuhuan at gagamit ng Gan&Mo si Kirsty, nasa level 3 palang ang mga players ng EPG ngunit level 4 na si Just. Makikita kung gaano kabilis mag-clear si Just ng kanyang jungle mula sa maliliit na resources hanggang crimson golem, ganitong klaseng jungler yung ang hirap agawan dahil sa bilis pumindot at maghanap ng tamang posisyon.

Ginigipit nila si Kirsty sa mid lane kaya lagi ring nasa mid lane ang jungler ng EPG para protektahan siya. Binugaw lang nila si Kirsty sa mid lane at pinabalik sa spawn point para magpa-full health. Binawasan lang nila ang mid lane turret at iniwan ang mid lane para pumunta sa tyrant. Walang nagawa ang EPG nang kunin ng FTT ang tyrant dahil pushing ang minions ng FTT at kailangan muna nilang i-clear ang lanes.

Maririnig ang sigawan ng mga fans dahil sa play na pinapakita ng FTT. Ginawa ng FTT kung ano ang tamang play sa kanilang line-up at hindi nila tinantanan si Kirsty.

First blood!

Matapos kunin ang tyrant, nag-tower dive si Just sabay gamit ng skill 1 para patayin si Kirsty.

6 minutes...

(FTT.Just) Defeated (EPG.Kirsty)

8 minutes...

(FTT.Just) Rampage! (EPG.Kirsty)

10 minutes...

(FTT.Just) LEGENDARY! (EPG.Kirsty)

14 minutes...

(FTT.Just) Unstoppable! (EPG.Kirsty)

Nagkaroon ng teamfight sa river at unang namatay si Kirsty nang dikitan ito ni Just, simula sa river hinabol ni Just ang mga players ng EPG na nag-retreat hanggang sa high ground at makakuha ng quadrakill!

Sumigaw ang mga fans ng FTT nang mag-push na ang FTT sa mid lane at pasabugin ang crystal ng EPG.

VICTORY!

Walang kahirap-hirap nilang naipanalo ang game 1.

More Chapters