LightReader

Chapter 131 - Chapter 129: End of Regular season

Ilang segundong natigilan si Jacian at inalala kung may napag-usapan sila ni Just, ngunit malinaw sa alaala niyang wala silang napagkasunduan ni Just na may date sila ngayong araw. Bakit bihis na bihis si Just at pumunta pa sa kanyang dorm ng 7 a.m? Yayayain ba siya nitong lumabas? Kakaligo niya palang at basa pa ang kanyang damit dahil nakalimutan niyang patuyuin ang kanyang tuwalya kagabi.

Inisip iyon ni Jacian sa loob lamang ng isang segundo bago niya tiningnan si Just at binuksan ng malaki ang pinto. Hindi naman nagbago ang ekspresyon niya kaya hindi rin nahalata ni Just.

"Pasok." Saad ni Jacian at lumapit sa mesa. Kinuha niya ang cup noodles na nakalapag doon at tinuklap ang takip, sinahod niya iyon sa water dispenser atsaka tinakpan ulit.

"Wala ka bang pupuntahan?" Tanong ni Just at narinig niyang sinara nito ang pinto at naglakad palapit.

"Pupunta saan?" Wala sa sariling tanong ni Jacian at kinuha ang kanyang cellphone na nakalapag sa mesa.

"Hindi mo nakita ang chat ni mama sa gc?" Tanong ni Just.

Kumunot ang noo ni Jacian at binuksan ang kanyang SweetTalk account para i-check ang kanilang gc, naka-mute lahat ng friends at gc sa cellphone niya dahil gumugulo ang isip niya sa t'wing may lumalabas na message sa screen. Kaya madalas siyang nahuhuli sa updates.

Nang mabasa niya ang chat ni Mrs. Sojurn sa kanilang gc nasagot ang tanong niya kung bakit nandito si Just sa kanyang dorm at bihis na bihis. Hindi naman nagsalita si Jacian pero gusto niyang bugbugin ang kanyang sarili dahil sa naisip niya kanina, mabuti nalang at hindi niya nasabi. Inalis niya sa kanyang isip ang nakakahiyang konklusyon na nabuo niya kanina at tiningnan ang oras sa kanyang cellphone para orasan ang cup noodles.

Habang hinihintay niya itong maluto naramdaman niyang lumapit si Just at niyakap siya nito mula sa likod. Hindi naman gumalaw si Jacian at hinayaan niyang isiksik ni Just ang kanyang ulo sa kanyang leeg para bigyan siya ng halik sa pisngi.

"Uuwi ako, 3 days pa ako bago makabalik." Mahinang saad ni Just. "Gusto mong sumama?"

Bahagya namang umiling si Jacian. "Dito lang ako sa base, nand'yan parin naman ang iba nating teammates." Binuksan niya ang takip ng cup noodles at hinalo iyon.

"Umuwi na sila." Saad ni Just.

Umuwi na si Lucky sa bahay nila kaninang madaling araw at sumunod naman sina Blue at Gem. Nakaraang araw pa umuwi ang mga staff at ang kanilang lead coordinator na si Lacey kasabay sina Mrs. Sojurn at Gretil kaya silang dalawa nalang ngayon ni Just ang nasa loob ng base, kapag umuwi si Just ngayon sa kanila siya nalang mag-isa.

Jacian: "..." Bakit hindi niya alam na nag-uwian na ang mga teammates niya?! Hindi man lang siya sinabihan para nakapag-impake rin siya at umuwi sa---

Natigilan si Jacian. Napagtanto niyang kahit sabihin sa kanya at makapag-impake siya ay wala rin naman siyang uuwian. Nakalimutan niyang umalis na nga pala siya sa kanilang boarding house.

"Mag-isa ka lang dito, h'wag mong kalimutang isara ang mga pinto at bintana kapag natulog ka at umalis." Paalala ni Just.

"Alam ko." Sagot niya.

"Mn. Aalis na ako." Saad ni Just. Niyakap niya pa si Jacian ng mahigpit at hinalikan ulit ito sa pisngi bago tuluyang lumabas ng dorm.

Kinuha ni Jacian ang cup noodles at dinala ito sa sala at umupo sa sofa, kinuha niya ang kanyang cellphone para manood ng match ng KPL, ang official league ng Honor of Kings sa China. Malakas ang Chinese division sa HoK at mas naunang natapos ang kanilang regular season kumpara sa PKL. Nakailang minuto palang si Jacian nang makaramdam siya ng buryong kaya hininto niya iyon at nagdesisyong buksan nalang ang kanyang Weibo para tingnan ang update ng KPL.

Tiningnan niya kung sino ang pinaka-top at bumungad sa kanya ang hindi pamilyar na team name. Nangunguna ang MPG, sumunod ang CP bago pa ang WH kung saan naroon sina ZiLing at Reyi. Bahagyang kumunot ang noo ni Jacian dahil sa pagtataka nang malamang pumapangalawa nalang ngayon ang CP o Chongqing Prince. Ang mas nakakabigla pa ay ang pagiging pangatlo ng WH. Last season Chongqing Prince ang nanalo sa world championship at iyon ang pang-apat nilang world championship trophy, sila ang kinikilalang pinakamalakas dahil sunod-sunod ang kanilang pagkapanalo at wala pang nakakatalo sa kanila.

Ang inaasahan ni Jacian ay Chongqing Prince ang makikita niyang top 1 sa match results ng KPL ngunit nakakabiglang may ibang team name ang nasa top 1 at ang team na apat na beses nag-champion sa global competition ay makikita nalang sa top 2.

Hindi maiwasan ni Jacian ang hindi magulat, nilamon siya ng kuryusidad at pinindot ang kanilang official page. Nalaman niyang Most Powerful Gamers ang ibigsabihin ng MPG at halatang bagong gawa lang ang account, may 500k palang itong followers ngunit million na ang interaction. Tiningnan pa ni Jacian ang album para alamin kung sino-sino ang mga players ngunit bahagyang nagloko ang kanyang cellphone at napunta siya sa opus, nag-play ang video kung saan ini-interview ang isang player ng MPG.

Halatang ininterview ito dahil top 1 sila sa regular season at may 6 points na lamang sa Chongqing Prince, kahit sino magugulat kapag narinig iyon ng isang matagal nang nasa e-sports circle.

Habang pinapanood ang interview, unti-unting kumunot ang noo ni Jacian nang mapansing pamilyar sa kanya ang lalaking 'to. Hindi niya alam kung sa boses ba o sa presence ngunit nararamdaman niyang pamilyar ito sa kanya. Nakangiti ito habang ini-interview at halatang kinikilig pa ang babeng nagtatanong sa kanya dahil sa gwapo ng kanyang mukha.

Hindi na iyon pinatapos ni Jacian at nag-research ng huling round ng regular season sa KPL. Match ng Chongqing Prince at WH ang pinanood niya kanina dahil akala niya sila ang top 1 at top 2 sa regular season ngunit hindi niya in-expect na may bagong team pala, nang makita niya ang match ng MPG at Chongqing Prince dinownload niya iyon at pinanood ng naka2x faster.

Sumandal si Jacian sa headboard ng kanyang kama habang pinapanood ang match. Lamang ng 4 points ang MPG sa Chongqing Prince at sa huling round na 2-0 nila ang Chongqing Prince na siyang nakakagulat, ngunit kitang-kita rin naman sa journey ng match na maraming play ang ginawa ng MPG para masira ang rhythm ng Chongqing Prince. Natuon ang atensyon ni Jacian sa marksman ng MPG dahil magaling ang kanilang marksman, kahit hindi ka titingin doon maaagaw talaga ang atensyon mo dahil sa galing ng gameplay niya, madalas din itong nakakapatay kaya laging lumalabas sa taas ang kanyang IGN. Gawain nito ang mag-split push habang nasa teamfight ang kanyang mga teams at pasekretong mag-push hanggang high ground, kung mahina lang ang game awareness ng mga players ng Chongqing Prince siguradong nanakaw na ng MPG ang kanilang crystal. Ngunit alam ni Jacian na kayang-kaya nitong nakawin ang crystal ng Chongqing Prince kung gugustuhin niya sad'yang hindi niya lang tinuloy, hindi makuha ni Jacian ang punto kung bakit hindi pa nito tinapos ang laban.

Makalipas ang ilang minuto hanggang sa sunod-sunod na ang kill na nakuha nito sa Chongqing Prince at nagawang ma-solo kill si Rachel, ang jungler core ng Chongqing Prince!

Holy shit!

Napamura si Jacian dahil sa play na pinapakita ng marksman ng MPG, na-solo kill nito si Rachel na isang top-tier jungler ng KPL at global! Nadaanan lahat ng marksman ng MPG ang posisyon na nasa isip ni Jacian na p'wede nitong talunan para mag-playsafe habang nasa teamfight. Napakabilis nitong mag-isip ng babagsakan nitong p'westo at kung sino ang tatamaan nitong target. Mga top-tier pro players lang ang nakakagawa nun at mukhang isa na nga siyang top-tier marksman.

Nasagot ang tanong ni Jacian kanina kung bakit hindi pa nito tinapos ang match, hindi sa nag-alanganin ito kundi dahil gusto nitong patagalin pa ang laban at ma-solo kill si Rachel. Kapag na-solo kill niya si Rachel magmamarka ito sa history ng e-sports at dadami ang kanilang supporters.

Hindi makapaniwala si Jacian hanggang sa matapos ang match at hindi narin siya nagtaka nang magawang maka-pentakill ng marksman ng MPG. Sa huling game na-2-0 nila ang Chongqing Prince.

Pinatay ni Jacian ang video at binuksan uli ang kanyang Weibo para hanapin ang account ng marksman ng MPG. Tiningnan niya ang IGN nito at bahagyang nagsalubong ang kanyang kilay.

[MPG.小王LittlePrince]

Jacian: "..."

"Little Prince?" Mabagal na saad niya at nag-scroll sa Weibo para tingnan ang mga post nito. Ngunit tanging re-post lang galing sa team ang nakalagay doon at interview na napanood niya rin kanina.

Hindi naman siguro ito si Xiaowang na big spender niya, noh?

Umiling si Jacian para sagutin ang sarili niyang tanong, alam niya ang boses ni Xiaowang.

Sa kaka-scroll niya sa Weibo para manood ng highlights ng match ng KPL teams, hindi niya namalayang gabi na pala. Tanging liwanag nalang galing sa kanyang cellphone ang tumatama sa kanyang mukha habang naka-angat hanggang sa bewang ang kanyang kumot. Mariing napapikit si Jacian nang maramdaman niyang parang natuyo ang kanyang mga mata. Pinatay niya ang kanyang cellphone at natulog.

Inaantok na bumaba si Just sa hagdan ng kanilang bahay, pababa palang siya ng hagdan nang salubungin siya ng aso niyang si Golden, isang lalaking golden retriever. Kumakawag ang buntot nito nang makita nito si Just at hindi na ito makapaghintay at nagmamadaling umakyat sa hagdan. Dinambahan niya kaagad si Just nang yumuko si Just para hawakan ito. Ilang buwan silang hindi nagkita at halos magpakarga na ito sa kanya. Naglakad si Just patungo sa sofa at umupo din doon si Golden, inakbayan ito ni Just at sumandal ito sa kanya at dinilaan siya sa mukha.

Maya-maya lang naglakad ang papa niya patungo sa living room habang bitbit ang dalawang basong kape, inabot nito kay Just ang isa na kaagad namang tinanggap ni Just.

"Ang aga namang natapos ng regular season niyo."

"Mn. Isang season lang ang mayroon ngayon sa PKL kaya may isang buwan bago magsimula ang playoffs." Sagot ni Just at humigop ng kape bago iyon nilapag sa mesa.

"Sabi ng mama mo may bago raw kayong player? Mukhang malakas siya, nagawa niyong makarating sa group A."

Tumango si Just at hinawakan ang ulo ni Golden dahilan para lalo itong sumiksik sa kanya. "Yeah."

Makalipas ang ilang sandali nang tumunog ang cellphone ng papa niya at nagpaalam na umalis dahil may mahalaga itong gagawin.

Nang buksan ni Just ang cellphone niya para tingnan ang oras narinig niyang malungkot na tumunog si Golden habang nakatingin sa lockscreen. Picture nila ni Golden ang lockscreen at wallpaper niya noon kaya nalungkot ito nang makitang hindi na siya ang nakalagay doon ngayon. Hinimas ito ni Just at hinalikan sa ulo.

Sa loob ng base, naka-upo si Jacian sa sofa ng kanyang dorm habang hinihintay na matapos kumain si Spree, kumuha siya ng tubig at nilagyan ang kainan nito nang makitang wala ng laman. Pagkatapos nitong kumain binuksan ni Jacian ang pinto at lumabas silang dalawa, wala naman siyang gagawin kaya plano niyang palakad-lakarin si Spree tuwing umaga.

Pagbukas niya sa pinto ng base, kumaripas kaagad ng takbo si Spree at halos gumasgas na ang mukha nito sa semento ngunit sinabi niyang hintayin siya kaya huminto ito at umupo sa labas ng gate para hintayin siya. Ni-lock ni Jacian ang gate at sabay silang naglakad ni Spree.

"H'wag sa gitna ng kalsada." Suway ni Jacian nang makitang gusto nitong pumagitna.

Ilang sandali ang makalipas nang tumunog ang cellphone niya at makita ang caller ID ni Just para sa isang video call. Sinagot niya iyon at iniangat ang kanyang cellphone. Nasa loob si Just ng kanyang kwarto at nakahiga pa ito sa kama, magulo ang kanyang buhok at halatang kagigising lang.

Nang makita nito si Jacian tinanong kaagad nito kung nasa labas siya. Tumango naman si Jacian at sinabing lumabas siya para palakad-lakarin si Spree.

More Chapters