LightReader

Chapter 133 - Chapter 131: May honey ba na hindi matamis?

Habang nasa match sila, laging request ni Xiaowang na sumama sa kanya dahilan para hindi makaroam si Jacian sa buong mapa, nakaramdam siya ng inis at sinipa ang bato sa kalsada. Pabalik na sila ni Just sa base matapos niyang makipag-Q kay Xiaowang ng ilang games.

Mukhang nakapagpahinga na ang mga pro players dahil nagsimulang mag-ingay ang kanilang gc na professional crappy players, chat kaagad ni Water ang nangunguna doon at naghahamon na kaagad sa playoffs. Umuwi rin sa kani-kanilang lugar ang ibang mga pro players para bisitahin ang kanilang pamilya, ang iba naman ay nagbakasyon at pumunta sa beach. Send sila ng send sa gc ng kanilang mga pictures dahilan para maging brochure na ang kanilang gc.

Naging active narin ang gc ng kanilang team at makikita ang mga pictures na sinend ni Lucky. Umuwi ito sa kanila at puro beach ang mga pictures na sinend nito habang naka-swimming trunks, hindi rin mawawala ang mga pictures na may kasama itong mga babae na tinawanan ni Blue. Nanatili namang tahimik si Gem at sumagot lang ito ng 'Mm' nang tanungin ni Coach Dang kung umuwi siya sa kanila.

[Coach Dang: Jacian, umuwi ka ba sa inyo?]

Pinindot ni Jacian ang kanilang gc para sagutin ang chat ni Coach Dang.

[Just Call Me Boss: Hindi, Coach. Nasa base ako.]

[Coach Dang: Sinong kasama mo d'yan? Ang alam ko umuwi si Just.]

Lumabas si Jacian sa kusina at pumunta sa living room para umupo doon. Hinahanap niya si Spree ngunit hindi niya nanaman ito makita.

[Just Call Me Boss: Bumalik din naman si Captain.]

Pagkatapos niyang replyan si Coach Dang, nakangiti siyang umupo sa sofa nang makitang naroon ang aso ni Just na si Golden, nakahinga ito sa carpet habang kinakagat ang bola. Nang makita siya ni Golden gumalaw kaagad ang buntot nito animo'y matagal na silang magkakilala, hindi mapigilan ni Jacian ang hindi ito lapitan at yakapin dahil sa sobrang bait. Ngayon lang siya nakakita ng ganito kabait na aso, ibang iba sa aso niya na laging high blood.

Wala si Just ngayon sa base dahil nagkayayaan sila ng mga tropa niya na lumabas, iniwan niya si Golden kay Jacian at hinanda niya na ang pagkain nito bago umalis, ang kailangan lang gawin ni Jacian ay pakainin ito. Mukhang gutom na ito dahil kinakagat na nito ang bola at ang carpet kaya tumayo si Jacian at umakyat sa second floor para kunin sa dorm ni Just ang pagkain nito.

Sinara niya ang dorm ni Just at kumakantang bumaba sa hagdan habang bitbit niya ang dog food ngunit natigilan siya nang makita ang senaryo sa living room.

Nakatayo si Golden at nakaaba si Spree sa likod nito habang kagat-kagat ang mahahabang balahibo ni Golden. Nang bumaba si Spree nagtanggalan ang mga balahibo ni Golden at nagkalat iyon sa sahig.

Jacian: "..." Holy shit! Ang pinakamamahal na aso ni Just!

Nang marating ni Jacian ang living room naabutan niyang nakayuko si Spree sa sahig para iluwa ang mga nakain niyang balahibo. Dali daling tiningnan ni Jacian ang buong katawan ni Golden kung may sugat ito ngunit nakahinga siya nang maluwag nang makitang wala namang sugat, mukhang balahibo lang ang nakagat ng aso niya. Ngunit makikita sa likod ni Golden ang pinagtanggalan ng balahibo, kitang-kita ni Jacian ang balat nito.

Napakamot si Jacian sa kanyang ulo at hinampas ang bibig ni Spree, tumahimik naman si Spree at lumayo para umupo sa gilid ng sofa.

Pinakain ni Jacian si Golden at niliguan ito para matanggal ang laway ni Spree. Pagkatapos, umakyat siya sa second floor at pumasok sa kanyang dorm para mag-live, napansin niyang ang tagal niya nang hindi nakakapag-live.

Sa loob ng bar, nakasandal si Just sa sofa habang naka-ekis ang kanyang mga hita, naka-unat ang kanyang kamay sa sandalan habang naka-upo si Sin sa tabi niya at kasalukuyang pinipilit ni Lessen na uminom.

Si Lessen ang nagyaya sa kanila lumabas at pumunta sa bar para uminom, halatang wala ito sa mood sa dami ba naman ng alak na in-order nito. Mukhang hindi natanggap ng kanilang coach ang naging result ng kanilang regular season kaya sinermonan sila at pare-pareho silang nagkasamaan ng loob, sinabi rin ni Lessen kanina na nagkasagutan din sila ni Shadow.

Maingay sa loob ng private room dahil matapos pilitin ni Lessen painomin ng alak si Sin, tumayo ito at kinuha ang microphone para kumanta. Hinila pa nito si Kai ngunit ikinaway lang ni Kai ang kanyang kamay dahil sa kalasingan, sinabayan niya uminom si Lessen kanina ngunit masyadong mataas ang alcohol tolerance ni Lessen at hindi pa ito natutumba hanggang ngayon. Dahil hindi niya mahila si Kai, nakita niya si Crowd at ito nanaman ang hinila nito.

Kumakain si Sin ng pulutan at nakangiting binawi ang kanyang paningin, kumuha siya bote para salinan ang baso na hawak ni Just na wala ng laman ngunit umiling si Just at nilapag sa mesa ang hawak niyang baso. Tiningnan ni Just ang kanyang mga kasama at bahagyang hinilot ang kanyang sentido nang makaramdam ng hilo, mataas ang tolerance niya sa alak ngunit masyadong malakas ang in-order na alak ni Lessen at nakailang baso siya kaya nakakaramdam siya ng hilo.

Habang nasa ganun siyang sitwasyon, tiningnan niya si Sin nang maramdamang nakatingin ito sa kanya, pagtingin niya dito nakita niya ang kakaibang ngiti sa mukha nito.

"Na-possessed ka ba?" Hindi mapigilang tanong ni Just.

Bahagya namang iniwas ni Sin ang kanyang ulo para tingnan ang kanilang mga kasama bago nito ibalik ang paningin kay Just.

Ngumiti si Sin. "Tin, you're bend." Mahinang saad ni Sin.

Maingay sa loob ng room nila dahil sa magulong kanta na kinakanta ni Lessen at Crowd ngunit hindi nakatakas sa tenga ni Just ang sinabi ni Sin. Bagaman, bahagya siyang nagulat ngunit mabilis naman siyang kumalma at ilang segundong tinitigan si Sin.

"Paano mo nalaman?" Tanong niya.

Ngumiti si Sin at tumango habang nakatingin sa kanyang cellphone. Tiningnan din ni Just ang kanyang cellphone sa kanyang kaliwang kamay at nakita niyang nakabukas iyon, makikita ang nakangiting picture ni Jacian sa kanyang lockscreen.

Just: "..."

Hindi niya pinansin ang sinabi ni Sin at tiningnan ang notification na nag-popped up.

[FTT.Boss is live now]

"Live siya ngayon." Saad ni Just. Binalingan niya si Sin para tanungin kung may dala itong earphone kaya dinukot ni Sin ang kanyang earphone sa bulsa ng kanyang trouser at inabot sa kanya. Kinuha iyon ni Just at sinaksak sa kanyang cellphone, pinindot niya ang notification para pumunta sa livestream room ni Jacian.

Samantala, bahagyang umurong ng upo si Sin at napapailing na tiningnan si Just na seryusong nanonood ng livestream.

Nasa living room si Jacian at naka-upo habang umiinom ng kape, nakahiga naman si Golden sa carpet habang nilalaro nito ang binigay niyang teddy bear, siya ang nagpakain at nagpaligo dito kanina dahil tulog pa si Just. Ilang sandali ang makalipas nang makarinig siya ng ingay at nakitang pababa si Just sa hagdan, kumakamot ito sa ulo para guluhin ang sariling buhok habang patungo sa living room. Kaagad tumayo si Golden at kumakawag ang buntot nitong nilapitan si Just, samantalang kumuha naman si Just ng tubig sa water dispenser na katabi ng TV at hinawakan ang ulo ni Golden habang umiinom ng tubig.

Umikot siya at umupo sa sofa, umupo naman si Golden sa kanyang harapan at excited na kumakawag ang buntot. Hinawakan ito ni Just at hinimas ang balahibo ngunit bahagya siyang napahinto nang mapansin ang likod nito. Nagtataka niyang hinawakan ang likod nitong walang balahibo.

"Anong nangyari sa likod mo?" Tanong niya kay Golden ngunit masayang kinawag lang ni Golden ang kanyang buntot at mas nilapit pa ang mukha kay Just.

"Kinagat yan ni Spree." Sagot ni Jacian at nilapag ang baso sa mesa. Hindi iyon nakita ni Just kagabi dahil madaling araw na ito umuwi at dumeritso na sa dorm dahil sa kalasingan.

Tiningnan nito si Golden at hinawakan sa mukha. "Kawawa ka naman."

Maya-maya lang pumasok si Spree sa pinto at tumatakbong pumunta sa pwesto ni Jacian, tinahulan nito si Just ngunit bahagyang gumalaw ang buntot nito nang lingunin ito ni Golden. Kinagat nito ang buntot ni Golden hanggang sa maghabulan sila at lumabas sa base.

Sumandal si Just sa sofa at bahagyang hinilot ang kanyang ulo, sobrang bigat ng ulo niya na parang gusto niyang masuka. Hindi niya alam kung anong alak ang in-order ni Lessen at ganito kalakas ang epekto.

"Uminom ka ng tubig na may honey, pampawala ng hangover." Saad ni Jacian.

Tuluyan nang isinandal ni Just ang kanyang ulo sa sofa habang hinihilot ang pagitan ng kanyang kilay. "Mawawala rin 'to mamaya." Paos na saad niya habang nakapikit.

Tumayo si Jacian para pumunta sa kusina, pinigilan siya ni Just ngunit hindi niya ito pinansin. Bumalik siya sa living room bitbit ang isang baso at binigay iyon kay Just. Nilayo iyon ni Just pagkatapos niyang uminom ng isang beses.

"Ang tamis naman."

"May honey ba na hindi matamis?"

Just: "..."

Hindi na siya nagsalita at ininom lahat yun. 

Mabilis na lumipas ang araw at sa isang kisap ng mata, birthday na ni Jacian. Nagising si Jacian dahil sa sunod-sunod na tunog ng kanyang cellphone at naalala niyang hindi niya nga pala na mute dahil sinabi sa kanya ni Just nung umalis ito na h'wag niyang i-mute ang kanyang cellphone.

Nilusot niya ang kanyang kamay sa kumot para kunin ang maingay niyang cellphone na nakapatong sa mesa, tinanggal niya ang kumot na nakatalukbong sa kanya at umupo para tingnan ito. Pare-pareho lang ang laman ng notifications niya at lahat yun ay binati siya ng happy birthday.

[Chase: Happy birthday @FTT.Boss mabuhay ka hangga't gusto mo.]

Post kaagad ni Chase ang nakita niya na siyang pinakamaagang bumati sa kanya. Nag-react siya doon bago binuksan ang kanyang chat dahil nakita niya kanina sa notifications ang username ng kanilang manager. Sure enough, nag-message nga sa kanya ang kanilang manager at sinabi nitong binati siya ng PKL at kailangan niyang mag-react. Hinanap naman ni Jacian ang PKL at nag-react siya nang makita niya ang post. Binati siya sa lahat ng mga sinalihan niyang gc at minention pa ni Linus sa post nito para batiin siya, pagkatapos niyang mag-send ng maraming thank you sa mga bumati sa kanya, tumayo siya sa kanyang kama at pumunta sa CR para maligo.

Hindi niya alam kung nag-jogging ngayon si Just, matagal pa naman bago ito bumalik kapag mag-isa itong nag-jojogging at mukhang siya nanaman ang magpapakain at magpapaligo kay Golden. Pababa palang siya ng hagdan nang biglang may pumutok na kung ano sa living room dahilan para magulat si Jacian at tumingin doon.

Makikitang nakatayo doon si Just hawak ang confetti na pinasabog nito kanina, sa likuran nito ay may napakaraming cakes na kulay puti at may mga nakapatong na 17th sa itaas. Kasabay nun, bumukas ang TV at tumugtog ang birthday song.

Ilang segundo bago nakapag-react si Jacian at pumikit siya bago tumingala at humawak sa handrail ng hagdan para suportahan ang kanyang sarili.

Tumawa si Just nang makita ang kanyang reaction. "Akala mo hindi natin i-cecelebrate 'to, nagkakamali ka."

Bumaba si Jacian sa hagdan at lumapit doon, binilang niya ang cakes at 17 lahat iyon na may tatlong patong bawat isa, silang dalawa lang ni Just ang nandun at hindi niya alam kung paano nila mauubos ang ganito kadaming cakes. Sinindihan ni Just ang mga kandila at sinabihan si Jacian na p'wede na siyang mag-wish.

Ilang segundo lang siyang pumikit bago niya hinipan ang mga kandila.

"Anong wish mo?" Tanong ni Just.

"Kapag sinabi ko hindi na magkakatotoo." Sagot ni Jacian habang tinatanggal ang mga kandila.

"Mn."

"Andami mong binili, wala naman tayong bisita." Saad niya at nilapag sa mesa ang mga tinanggal niyang kandila.

"Ipapahatid ko 'yan sa bahay ampunan."

"Lahat 'yan?"

Tiningnan siya ni Just. "Bakit? Gusto mo bang tikman lahat?"

Umiling si Jacian. "Ito lang ang gusto ko." Aniya at tinuro ang cake na tinanggalan niya ng maraming kandila. Kinuha niya ang cherry sa taas at kinain iyon.

More Chapters