LightReader

Chapter 147 - Chapter 145: "I love you guys, sobra."

Hindi rin naman naging 0 ang score ng RG dahil nang magsimula ang game 3 pinakawalan ng FTT si Arli sa ban spot at hinayaan itong makuha ng RG. Panalo ang RG sa game 3 at panalo din sila sa game 4, kasalukuyang 2-2 na ang score at makikitang nabuhayan ang mga fans ng RG na kanina pa pinanghihinaan ng loob. Pero dahil global ban/pick, hindi na p'wedeng gamitin ng RG si Arli at Dyadia, Marco Polo at Yaria dahil iyon yung ginamit nila nung game 3 at 4, at yung mga hero na ginamit din nila nung game 1 and 2.

Marami ng hero ang hindi p'wedeng gamitin kaya nang magsimula ang game 5, halos maubos ang 30 seconds timer sa picking para lang ayusin ang kanilang line-up. Ban/pick phase palang ay inabot na ng 5 minutes.

Makikita sa line-up ng RG na kinuha nila si Luban No.7 para kay Water ngunit hindi nila na-ban si Jing kaya nakuha iyon ng FTT, at ang mas masahol pa nakuha rin ng FTT si Mai Shiranui. Kapag full na ang mga core items ni Jing, madali nalang para sa kanya na patayin ang mga hero katulad nila Luban No.7 na walang mobility at malakas na CC, kinakailangan ni Water ng tamang posisyon dahil kahinaan ni Luban ang mga assassins. Inuna nilang binan si Prince of Lanling kaya nagkaroon ng chance ang FTT na makuha si Jing, kasalukuyan nang nakakaramdam ng pressure ang RG nang makita nilang kinuha ng FTT si Jing. Alam nila kung gaano kalakas ang Jing ni Just at kapag nag-ult ito, hindi na talaga ito napipigilan.

Plano parin ng RG na i-drag sa late game ang match dahil tower hug muna ang gagawin ni Water, hirap siyang lumabas dahil dalawang assasins ang nakuha ng FTT at si Just at Boss pa ang may hawak. Malakas ang tacit understanding ng jungler at mid laner ng FTT at alam nila na kapag gumala sa mapa ang dalawang 'to para magnakaw ng mga resources, madali lang para sa kanila na gawin iyon at walang makakapigil.

Commentator Waver: "Nakita nanaman natin yung Jing/Mai ng Honeybam dou at mukhang hindi nila paglalaruin ng maayos dito sina Crowd at Water. Hindi makalabas ng tower si Water at hindi rin magiging smooth ang pagkuha ni Crowd ng mga resources sa sarili niyang jungle dahil baka may bumulaga sa kanya na Jing at Mai at nakawan siya nito ng harap-harapan."

Commentator Zia: "Sa mga nagdaang matches ng FTT during regular season, nakuha rin nila itong Jing at Mai para mag-dou at literal na ubos talaga yung laman ng jungle ng kalaban dahil sobrang galing nila magnakaw."

Tumawa si Commentator Waver: "Yeah, at baka makakita nanaman tayo dito ng crucial kill theft mula kay Just. Kapag ganitong hawak ni Just si Jing parang ang hirap kumuha ng objectives. Kasi pinababa niyo yung HP tapos si Just itatapon niya lang yung skill 2 niya doon sa may tyrant sabay skill 1 at ult."

Commentator Zia: "Parang sila yung nagtanim iba yung umani."

Commentator Waver: "Yeah, at kung nasa loob ka ng pit, kasama ka narin doon sa mamamatay. So para sa RG, hindi nila alam kung paano nila makukuha 'tong tyrant."

Commentator Zia: "Sa totoo lang ang makakapagpigil lang dito kay Jing ay yung Liang at Princess Frost para hindi siya makababad, pero binan ng FTT si Liang at hindi narin p'wedeng gamitin ng RG si Princess Frost kasi ginamit na nila iyon nung game 3."

Commentator Waver: "Mainit ang ating dalawang koponan ngayon dahil semi-finals na po ito at umabot na tayo sa game 5. Kasalukuyang 2-2 ang score at ang sino mang manalo sa game na 'to ay sila na ang huling makakapasok sa grand finals at kakalabanin ng GOT-G, ngunit ang matatalo ay tuluyan ng mai-eliminate."

Malakas na sigawan ang maririnig nang sabihin iyon ni Commentator Waver, pinaghalong excitement at kaba ang bumabalot sa kanilang ekspresyon. Gusto nilang manalo ang RG para makaharap nito si Ning ngunit ayaw din naman nilang mai-eliminate ang FTT, sa side naman ng FTT, gusto nilang manalo ang FTT ngunit ayaw din naman nilang mai-eliminate ang RG. Pareho nilang gustong makapasok sa global ang dalawang teams ngunit isa lamang ang p'wedeng kunin sa RG at FTT na aapak sa grand finals. Kaya pareho naring tinanggap ng mga fans ng dalawang teams kung sino ang mananalo sa kanila.

Playsafe parin ang unang plano ng RG at i-drag sa late game ang match, ngunit sinong mag-aakalang snowball ang gagawin ng FTT? Kukuha na kaagad sila ng kills sa early game palang at mag-fofocus lang sila sa kills, hindi muna nila gagalawin yung jungle ng RG, hindi nila pababagsakin yung towers, ang importante sa kanila ngayon ay mapatay ng mas maaga ang mga players ng RG. Sa loob ng 40 seconds na-first blood na kaagad ni Just ang mid laner ng RG nang i-target lock nila iyon ni Jacian.

Nagulat ang mga players ng RG lalo na si Crowd na siyang kasalukuyang kinukuha ang kanyang blue buff. Ito nanaman si Just sa napakabilis na first blood, hindi nakapag-react ang RG sa ginawa ng FTT at pare-pareho silang nagulanta.

Maging ang dalawang commentators ay nagulat din dahil nagsama-sama sina Just, Jacian, Lucky para kunin ang red buff ng RG. Hindi lang red buff ang nagawa nilang kunin sa RG kundi pinatay din nila si Crowd nang sinubukan nitong i-defend iyon, nag-assist ang support at si Water ngunit huli na at wala silang nagawa kundi ang mag-retreat.

Commentator Waver: "Snowball ang ginagawa ng FTT, wala silang gagawin kundi ang patayin ng patayin ang mga players ng RG at mukhang tatapusin narin nila ito ng mas maaga." May pagkabigla na saad ni Commentator Waver, hindi niya inaasahan na kaya rin ng FTT ang snowball.

Commentator Zia: "Parang mga hungry beast ang FTT ngayon at mukhang hindi ata sila nakapananghalian. Masyado silang ginutom."

Napapasigaw narin ang mga fans sa tuwing makakakuha ng kills ang FTT. Masyadong aggressive ang ginagawa ng FTT at mas lalo silang nabigla nang ilapag ni Just ang kanyang ultimate sa pagitan ng dalawang towers!

Hindi nila maiwasan ang hindi mapamura.

[Holy shit! Anong nangyayari kay Just? Tuluyan na bang nabaliw ang FTT?!]

[Dinogshow yung hero's george!]

[Ito ba yung tunay na lakas ng Honeybam dou?]

[Grabe, malayong malayo na 'to sa game 1 to 4!]

Hindi makapaniwala ang mga fans sa nakikita nilang gameplay ng FTT, parang hindi na 'to yung FTT na madalas nilang nakikita sa top 6 ng regular season. Ibang iba sila ngayong season. Kung makapag-snowball sila parang hindi RG yung kabilang side.

[Shucks! Wala na FTT na talaga sa grand finals. Imposibleng mai-cocomback pa 'to ng RG, tingnan niyo naman yung kills ng RG sa FTT. ]

Isang beses lang nakakuha ng kill si Water sa FTT at napatay niya si Gem gamit ang kanyang second skills, samantalang 11 na ang deaths ng RG at lamang ang FTT ng 10 thousand gold sa mid game palang ng match. Walang nakuhang objectives ang RG at isang turret lang sa clash lane ang napabagsak nila, sobrang layo na 'to sa nagdaang games. Hindi makapaniwala ang mga commentators sa nakikita nila.

Commentator Zia: "What?! Totoo ba talaga 'tong nakikita natin? RG ba talaga 'to?! Parang hindi na 'to FTT ah!"

Commentator Waver: "Ako nagulat din eh, kasi pushing na yung FTT sa tatlong lanes ng RG at mukhang tatapusin na nga nila ang match sa loob lang ng 7 minutes."

Hindi na pinatagal ng FTT ang laban at tinapos ang match ng isang push lang na naging dahilan para mapatalon ang dalawang commentators sa kanilang upuan.

VICTORY!

Hindi nila inaasahan na kayang tapusin ng FTT ang match sa loob lamang ng 7 minutes! Team RG ang kalaban nila at si Water ang binansagang Filipino shooter ngunit kung makapaglaro ang FTT parang wala si Water sa RG. Anong Filipino shooter? Snowball ang katapat niyan.

Commentator Zia: "Congratulations FTT! Pasok na kayo sa grand finals!" Sigaw ni Commentator Zia.

Samantala, sa match area ng FTT nang sumabog ang crystal ng RG, tinanggal nila ang kanilang noise-cancelling headphones at patalon na tumayo sa kanilang gaming chair. Makikita kaagad ang celebration sa side ng FTT at hindi nila maitago ang saya, binalingan ni Jacian ni Just at binigyan ito ng dalawang high five habang malapad ang ngiti. Ngunit pagkatapos nilang mag-high five bahagya siyang hinila ni Just para yakapin, tinapik niya ang balikat nito at binalingan din ang iba nilang teammates para bigyan ng high five.

Si Lucky ang may pinakamalapad na ngiti sa kanilang lahat habang niyayakap sila. "I love you guys, sobra." Saad ni Lucky. Naglakad na sila sa gilid kung saan hindi nahahagip ng camera at nakipag-fist bump kay Coach Dang.

Tumayo naman ang mga players ng RG at naglakad patungo sa gitna ng stage para kausapin si Ms. Phara. Bahagyang tumahimik ang mga fans nang magsimula nang magtanong ang host.

"Guys, hindi ito ang tamang oras para sa inyo pero naabot niyo rin naman ang semi-finals at isa iyon sa achievement niyo ngayong season. Marahil hindi ito ang oras para makapasok kayo sa grand finals pero naniniwala naman ang mga fans na darating ang tamang oras. Alright?" Pauna ni Ms. Phara at binalingan si Water. "Water, may gusto ka bang sabihin sa mga fans?"

"Babawi nalang kami next season." Sagot ni Water at bahagyang yumuko.

"May gusto ka bang sabihin sa FTT?"

"Ang masasabi ko lang sa FTT, RESPECT." Sagot ni Water. "Sobrang galing nila ngayong season, ang laki ng improvement. Kung noon si Just lang yung kinakatakutan ko ngayon si Boss na."

Tumawa si Ms. Phara pati narin yung mga audience. Binalingan naman ni Ms. Phara si Crowd para ito naman ang tanungin.

"Wala akong sasabihin sa FTT pero kay Just meron." Ani Crowd at tiningnan si Just na nasa gilid ng stage kasama ang mga teammates niya at mga staff. "Just, mag bagong buhay ka na next season, h'wag ka ng magnanakaw ng buff. Nandamay ka pa pati si Boss naimpluwensyahan mo." Saad ni Crowd na ikinatawa ng mga audience.

Tumawa din ang FTT na nasa gilid ng stage. Pagkatapos ng maiksing interview sa RG tinawag naman sila ni Ms. Phara para sila naman ang kausapin.

"At ang ating isa pang team na papasok sa grand finals, For The Throne!" Anunsyo ni Ms. Phara at maririnig ang malakas na sigawan ng mga fans sa side ng FTT. "Congratulations! Wow, ito yata ang pangalawang beses na makasama ko kayo sa grand finals." Biro ni Ms. Phara na ikinangiti ng mga players ng FTT.

Matagal na nung huling nakausap sila ni Ms. Phara sa stage ng grand finals at si Lan pa ang kanilang mid laner nun. Bahagya ring tumawa si Coach Dang at tumango.

"Lucky, ikaw na muna. Anong feeling na nakapasok kayo sa grand finals?"

"Sobrang excited po, kasi makakapaglaro kami sa global." Nakangiting sagot ni Lucky.

Tinanong siya ni Ms. Phara ng ilang mga katanungan bago nito binalingan si Just. Tahimik naman si Jacian sa tabi ni Coach Dang at bahagya niyang sinilip si Ms. Phara nang lapitan nito si Just para tanungin. Makikita ang malapad na ngiti sa mukha ni Ms. Phara habang nakatitig ito kay Just at nakatuon ang kanyang mga mata sa mukha ni Just, hindi naman kakikitaan ng ekspresyon ang mukha ni Jacian at bahagya lang nitong tiningnan si Ms. Phara.

Samantalang nang tanungin ni Ms. Phara si Just, kaagad nag-ingay ang mga fan girls ni Just sa audience area habang sinisigaw ang pangalan ni Just.

"Just!"

"God J!"

Halos pumiyok na sila kasisigaw habang nagsasalita si Just para sagutin ang tanong ni Ms. Phara, nakangiting binalingan ni Ms. Phara ang mga fans bago muling ibinalik ang tingin kay Just. Tinanong lang nito si Just kung ano ang mga expectations niya dahil nakapasok na sila sa grand finals at global, saglit lang iyong sinagot ni Just bago tinanong ni Ms. Phara si Coach Dang at tuluyan nang tinapos ang maiksing interview.

More Chapters