2 Days ago in Thallerion
Pumunta sina Xerxez sa lupain ng Wendlock, ngunit nagtaka siya kung bakit malaki na ang pinagbago ng Wendlock, marami ng puno ang pinutol at ginawang sakahan ng mga naninirahang ossibian. Gayunpaman, nakita nila Xerxez ang maberdeng palayan sa kapatagan at meron din sa mga bulubundukin na parang hagdan-hagdang palayan. Naaaliw ang mga mata ni Xerxez sa mga naglalarong tutubi sa masimoy na kapatagan. Ngunit, ang matatamis na hahagikhikan ng mga kabataan na naglalaro sa hindi kalayuan ay bigla na lang natigil—!
Ang padyak ng mga kabayo ay parang paparating na ulan na may dala na kulog at kidlat na nagpakunot sa mukha ng mga magsasaka. dahil sa mga kalasag at espada na kumalatog ay napatigil ang mga magsasaka sa pagtatanim ng palay at kinuyom ang mga kagamitang pangsaka.
Tumigil sila Xerxez sa maluwag na lugar napapalibutan ng mga berdeng gulay. Pinatunog ang trumpeta ng isang kawal upang tawagin ang buong magsasaka at pati na ang mga naninirahan doon, ngunit napaigik ang mga nagtatampisaw na baboy sa putikan.
Nagsilapit ang mga ossibian, ngunit ang isip nila ay dala ang pangangambang baka atakihin sila ng mga sundalo ni Xerxez. Hindi na nagpaligoy-ligoy si Xerxez, agad siya nagbitiw ng utos sa lahat ng mga Ossibian.
"Makinig kayong lahat, mga Ossibian." Tawag niya sa lahat na nakikinig. "Hindi ko nagustuhan ang kondisyon ni haring Matar para sa alyansang inialok ko. Ikinalulungkot ko—." Linibot ni Xerxez ang buong magsasaka at huminga ng matapang. "Itigil nyo na ang inyong pagsasaka sa Wendlock. Umuwi na kayo sa Ossibian."
Marami ang nagtaas ng mga palakol na parang mga sandatang pandigma na iwinagayway sa harap ni Xerxez, nagngangalit man ang mga pangil ng kagamitang pansaka na kanilang hawak-hawak, isa lamang iyong pabirong-banta sa mata ng mga sundalo ng Thallerion.
"Hindi kami papayag! Dito lang kami!!! Kanya-kanyang kuro ang mga magsasaka at nakakabingi ang kanilang mga depensa. Para silang mga bubuyog na pinausukan at nagkagulo sa utos ni Xerxez. "Hindi kami aalis!!! Matagal na kaming naninirahan dito! " Tuloy-tuloy ang sigawan ng mga magsasaka.
"Baka nilansi nyo ang hari namin, kaya hindi pumayag sa bulok nyong alyansa!!!" Sigaw ng lalaki na may putik pa ng palayan at may hawak itong garab. "Sa amin ang lugar na ito, mga manloloko!!!"
"Ang lakas naman ng loob mong tawagin kaming manloloko, e kayo na nga itong nang-aagaw ng lupa!!" Sabi ni heneral Phalleon, na tumaas ang kilay habang nakapamewang sa baril ang isang braso. "Magligpit na kayo at umalis!!!!" Nag-ingay ang mga tao na parang katapusan na ng mundo nila. Lumakas naman ang mga hagulgol ng mga kababaihan dahil pinaglalamayan nila ang lupaing Wendlock.
"Magkamatayan muna bago nyo kami mapapaalis!!!" Sigaw naman ng isang Ossibian na may hawak na palakol at may itak sa baywang. Kumukulo ang dugo nito sa utos ni Phalleon.
"Baliw, anong magagawa ng palakol mo sa baril namin." Singhal pa ni Phalleon. Inilabas pa ni Phalleon ang kanyang maliit na pistola. "Hindi ako magdadalawang isip na gamitin ito sa inyo!" Banta ni Phalleon nang makita niyang mag-aaktong manlaban.
"Huminahon kayo mga Ossibian!" Sigaw ni Catana. "Wag nyo kami sisihin. Magtanong kayo sa inyong hari at malalaman nyo ang sagot."
"Umatras kayo kung ayaw nyo ng dahas!" Sabi naman ni Vethor sa mga magsasaka na mukhang lulusob na sa mga kawal ng Thallerion. Nakasandal siya sa puno ng dalandan at hinihiwa ang isang hinog na bunga at sinusubo gamit ang punyal.
"Mahal na hari ng Thallerion, pakiusap wag nyo kami paalisin sa lupaing ito." Isang babaeng may kargang bata ang lumuhod sa paanan ni Xerxez at nagmamakaawa. Agad naman sinuway at pinaalis ng mga gwardya ni Xerxez ang babae. Ngunit nagpupumiglas ito, basang basa ang suot na sapatos ni Xerxez ng luha. Naantig ang damdamin ni Xerxez kaya nakapagdesisyon siya:
"Makinig kayong lahat na mga Ossibian: Ang darating na tag-ani ay ibibigay ko sa inyo alang-alang sa inyong mga anak at pagsusumikap ngunit hanggang doon nyo na lang matatamasa ang kasaganaan ng Wendlock." Napabuntong hininga na lamang si Xerxez at sumakay na sa kabayo ngunit may isang lalaki na humabol para siya ay saksakin.
*Bang!!!* — Nakalabit ni Phalleon ng kasimbilis ng kidlat ang baril, namatay ang lalaki dahil sa tama sa likod. Na ang mga karnero at nagtatakbuhan ang mga alagang baboy doon. Umalingawngaw ang putok sa buong palayan, at nagliparan ang mga maya.
"Pweee!!!" Dinuraan ni heneral Phalleon ang lalaking humandusay sa paanan ng kabayo ni Xerxez. "Sinabi ko na man sa inyo, wag kayong kumilos na parang baliw!!!"
Natakot ang mga ossibian na balak mag-aklas sa mga kawal ng Thallerion at umatras. Umiyak naman ang mga kababaihan at maging ang mga bata ay nangalobkob sa takot sa pagputok ng baril.
"Hindi mo dapat pinaputukan ang lalaking ito, nakita mo kung ano ang idinulot ng putok ng baril sa mga kabataan." Sabi ni Xerxez, may narinig silang uwak na lumipad papalayo.
"Ginawa ko lang ang nararapat sa suwail na kagaya niya, at ng hindi na siya pamarisan ng iba." Huminga ng maluwag si Phalleon sa kanya sinabi, at inilagay na muli ang baril sa lalagyan nito.
"Mga kawal, tulungan nyo silang umalis hanggang sa hangganan ng Wendlock." Utos ni Xerxez at huminga ng malalim.
"Ako na ang bahala mamahala sa mga kawal na maghahatid sa mga Ossibian papunta sa labas ng Wendlock." Sabi ni kapitan Vethor. Ipinasok niya ang punyal sa kanyang baywang at lumapit sa mga kawal para alalayan ang mga Ossibian sa pag-alis. Bumalik na sila Xerxez sa kaharian ng Thallerion at binati siya ng mga konseho kung matagumpay na napatalsik ang mga magsasakang Ossibian.