LightReader

Chapter 97 - chapter 49 (TAGALOG)

Kabanata 49: Ang Regalo

 Ilang minuto lamang pagdating namin sa City of Dreams, isang limang-bituing hotel sa Maynila, ay agad na kumilos ang mga tauhan ni Heneral Romeo.

 Parang mga bubuyog na abala sa kanilang pugad, bawat isa'y may kanya-kanyang gawain, mula sa pag-aayos ng dekorasyon hanggang sa paghahanda ng mga bisita. 

Sa gitna ng kaguluhan, hinila ako ng mga kasamahan kong babaeng sundalo, mga dating nakasama ko sa kampo, na may mga ngiti sa labi at kislap ng excitement sa mga mata. 

"Bilisan mo, Flora!" sigaw ng isa, habang itinutulak ako palayo kay Heneral Romeo.

 Napahiwalay ako sa kanya, at bago ko pa maunawaan ang nangyayari, napalibutan na ako ng mga kababaihan.

 "Ayusan na natin ang prinsesa!" sigaw ng isa pang sundalo, ang boses ay puno ng panunukso ngunit may bahid ng tunay na kasiyahan. 

Hinila nila ako papasok sa isang kwarto, at kahit nagpumiglas ako sa pagkalito, wala akong magawa. "Utos 'to ng Heneral, Flora! Sumunod ka na!" sabi ng isa, na may ngiting halos sumabog sa saya. 

 Nang makapasok kami sa kwarto, halos mapanganga ako sa gulat. Inaasahan ko ang karaniwang mga sandata, baril, o anumang bagay na may kinalaman sa laban—ang mga bagay na nakasanayan ko sa kampo. 

Pero ang kwartong ito ay iba. Isang napakagandang changing room ang bumungad sa akin, pinalamutian ng malalambot na tela, malalaking salamin na may ginintuang palamuti, at mga ilaw na parang bituin sa kisame. 

Ang amoy ng mga bulaklak, marahil rosas at sampaguita, ay bumalot sa hangin, na labis kong ikinatuwa. Naalala ko agad sa mga ito ang hardin ng bulaklak sa la trinidad. Nagsipasukan ang mga staff ng hotel, dala-dala ang mga kahon ng make-up, brushes, at iba pang gamit na hindi ko inakalang makikita ko sa isang misyon.

 Pinapaupo nila ako sa isang malambot na upuan sa harap ng salamin, at bago pa ako makapagtanong, nagsimula na silang maglagay ng make-up sa mukha ko.

 "Bakit n'yo 'to ginagawa? Ano'ng meron?" tanong ko, pero ang sagot lang nila ay, "Utos ng Heneral, Prinsesa. Ginagawa lang namin ang trabaho namin.

" "Prinsesa?" bulong ko, naguguluhan. Pero wala na akong oras mag-isip.

 "Sampung minuto lang ang binigay sa amin ng Heneral, kaya paki usap wag kayong malikot para maayusan namin kayo." sabi ng isang staff, na may bahid ng pagmamadali sa boses. 

Wala akong nagawa kundi sumunod dahil alam namin lahat na kailangan din nila sumunod sa utos, kahit ang puso ko'y puno ng katanungan at kaba.

 Ilang minuto pa ang lumipas, na parang isang panaginip, natapos ang pag-aayos sa akin. Nang tumingin ako sa salamin, halos hindi ko makilala ang sarili ko.

 Nakasuot ako ng puting gown na parang gawa sa mga ulap, napapalamutian ng mga perlas na kumikinang sa ilaw at mga diamante na parang bituin sa kalangitan. Ang tela ay dumaloy sa aking katawan na parang tubig, at ang bawat galaw ko'y parang dala ng mahika.

Ang buhok ko'y inayos sa malalambot na kulot, at ang make-up sa mukha ko'y nagbigay ng kakaibang liwanag sa aking mga mata. Parang artista sa pelikula ang itsura ko—hindi ko akalain na kaya ko palang maging ganito kaganda.

"totoo ba ito? Ako ba talaga ito?" 

 Hinawakan ko ang laylayan ng gown, at sa sobrang tuwa, dahan-dahan akong umikot sa harap ng salamin, parang batang nangangarap. 

Napangiti ako, at sa isang sandali, naramdaman ko ang pagkabuhay ng mga pangarap ko noong bata pa—mga pangarap na kinalimutan ko na dahil sa mga trahedya ng buhay. 

Pero sa pag-ikot ko, napansin ko ang isang anino sa labas ng pinto. Si Heneral Romeo iyon, nakatayo at nakasilip sa loob ng kwarto, ang mga mata'y nakatuon sa akin. Namula ako sa hiya. Nakita niya ako na sumasayaw sa harap ng salamin, parang batang nagpapanggap na prinsesa! 

Agad akong tumigil, at yumuko habang hinahawakan ko ang gown ko, hindi ko alam kung paano haharapin ang kahihiyan. 

"Nakakahiya, nakita nya akong sumasayaw sa harap ng salamin." Bulong ko sa isip ko.

Pumasok siya sa kwarto, nakasuot ng puting tuxedo na nagbigay sa kanya ng kakaibang kagwapuhan. Ang kanyang tindig ay puno ng awtoridad, ngunit may lambot sa kanyang mga mata habang tinititigan ako.

 Hindi siya nagsalita, pero napansin ko ang pamumula ng kanyang pisngi—isang bagay na hindi ko inakalang makikita ko sa isang lalaking kagaya niya. 

 Ilang sandali pa, pumasok ang isang staff ng hotel at inabot sa kanya ang isang tiara, na pinapalamutian ng mga dyamante.

Dahan-dahan siyang lumapit sa akin, at sa bawat hakbang niya, parang tumitindi ang kabog ng puso ko. "Magsaya ka ngayong gabi, Flora. Dahil sayo ang sandaling ito. " sambit niya, ang boses ay malalim at puno ng sinseridad.

 "Heneral, ano po ba ang nangyayari? Bakit nila ako binihisan ng ganito?" tanong ko, nalilito pa rin. Pero bago pa ako makapagpatuloy na magsalita, inilagay niya ang kanyang daliri sa labi ko, isang senyales na tumahimik ako.

 "Huwag mo munang alalahanin ang ibang mga detalye. Ang mahalaga, mag-enjoy ka ngayong gabi," sabi niya, ang boses ay malumanay ngunit may diin. Hindi ko alam kung paano tumugon. 

Ang utak ko'y puno ng katanungan, pero ang puso ko'y nagsasabing sumunod na lang ako. Inilagay ni Heneral Romeo ang tiara sa ulo ko, at sa sandaling iyon, parang nagbago ang mundo. 

"Ikaw ang prinsesa ngayong gabi, kaya enjoy-in mo ito," sabi niya, at pinaharap niya ako sa salamin. Nang tumingin ako, halos mapaluha ako. Hindi ko inakalang makikita ko ang sarili ko na ganito—parang isang tunay na prinsesa.

 "Happy 18th birthday, Flora," dugtong niya, at doon ko napagtanto na ang lahat ng ito ay para sa araw ng kapanganakan ko.

 "Teka, naalala mo ang birthday ko?" tanong ko, hindi makapaniwala.

 "Aaminin ko na palaging huli ang pagbati ko dahil sa dami ng inaasikaso ko, pero hindi ko kailanman nakalimutan ang kaarawan mo," sagot niya, na may ngiting nagpapakita ng tunay na pag-aalala. 

"Mula nang pilitin kitang maging sundalo, hindi ka na nakaranas ng kasiyahan. Puro pagsasanay at istriktong utos na lang ang ibinigay ko sa'yo. Naalala ko noong bata ka pa, kung paano ka sumasayaw sa harap ng salamin sa ampunan, nagpapanggap na prinsesa ng isang palasyo."

 Namula ako sa sobrang hiya at agad na tinakpan ang mukha ko. "Paki usap, Heneral, wag mo nang ipapaalala 'yang mga nakakahiyang bagay na 'yan!" sigaw ko, halos mapatalon sa kahihiyan. 

 Dahan-dahan niyang kinuha ang mga kamay ko at inalis ang mga ito mula sa mukha ko. "Walang masama sa pangangarap, Flora. Normal sa isang tao na mangarap ng magandang buhay," sabi niya, ang boses ay puno ng lambot. 

"Hindi ko maibibigay sa'yo ang isang tunay na palasyo, pero kaya kitang gawing prinsesa, kahit ngayong gabi lang." Ang mga salita niyang iyon ay parang tumagos sa puso ko. Sa unang pagkakataon, naramdaman ko ang init ng pag-aalaga ng isang pamilya, isang bagay na matagal ko nang kinalimutan dahil sa mga trahedyang naranasan ko sa La Trinidad.

Ang mga pangarap ko noong bata—na maging prinsesa sa isang kaharian na puno ng bulaklak—ay biglang nabuhay muli. Alam ko na hindi ako tunay na prinsesa, na wala akong anumang yaman o kapangyarihan, pero dahil kay Heneral Romeo, naramdaman ko na hindi ako nag-iisa. 

 Humarap ako sa kanya, ngunit napansin ko ang seryosong ekspresyon sa kanyang mukha. Nagpout ako at nagreklamo.

 "Heneral, bakit ka nakasimangot nanaman? Ayokong makita na parang hindi ka masaya sa ginagawa mo para sa akin!" sabi ko, at hinawakan ko ang pisngi niya, pilit na pinapangiti ang kanyang mga labi.

 "Hindi totoo yan, bakit mo ba palaging sinasabi yan? Hindi lang ako sanay ngumiti palagi, Flora. Umaabuso ka na kung hihilingin mong ngumiti ako buong gabi," sagot niya, pero may bahid ng pagbibiro sa boses niya.

 "Ako ang prinsesa ngayong gabi, di ba? Kaya kailangan mong ngumiti para sa akin!" sabi ko, at hindi nagtagal, napangiti rin siya—isang ngiti na puno ng sinseridad. Sa gabing iyon, naramdaman ko ang tunay na kasiyahan, at bawat sandali ay naging alaala na alam kong hindi ko makakalimutan. 

 Lumipas ang ilang minuto, at dinala na kami sa isang malaking hall na inayos na parang bulwagan ng isang palasyo. Ang mga dingding ay pinalamutian ng mga bulaklak—mga rosas, sampaguita, at gumamela—na nagbigay ng amoy na parang nasa hardin ako. 

May mga rebulto rin ng mga kawal na gawa sa yelo, na kumikinang sa ilalim ng mga chandelier. 

Ang mga bisita, na karamihan ay mga dati kong kasamahan sa kampo, ay sumalubong sa amin ni Heneral Romeo na may masasayang bati. 

"Maligayang kaarawan, Flora!" sigaw nila, at ang ingay ng kanilang palakpak ay nagpuno sa buong bulwagan. Napuno ng kasiyahan ang paligid.

 May mga umaawit ng mga kanta, may mga nagpapapicture, at sa isang gilid ay may mahabang mesa na puno ng mga pagkain—mula sa lechon at kare-kare hanggang sa mga mamahaling dessert na hindi ko pa natikman noon.

 Nakita ko ang mga dati kong kasamahan, mga babaeng sundalo na kasama ko sa mga pagsasanay, at kasama na ang mga kapatid kong babae na matagal ko ng hindi nakikita kaya naman ang saya sa puso ko'y hindi maipaliwanag.

 "Akala ko nasa albay ka? Bakit ka nandito?" tanong ko sa isa sa kanila, na ngayo'y nakangiti sa akin. 

"Dalawang araw na ang nakalipas nang tawagan ako ng Heneral. Pinilit niya pa ang superior ko para lang payagan akong makabalik sa Maynila," sagot niya, na may bahid ng paghanga sa boses. 

"Sa totoo lang, alam ko na paborito ka ng Heneral noong nasa kampo pa tayo, pero hindi ko inakalang ganito ka-espesyal na bibigyan ka ng ganitong regalo!" 

 Napangiti ako, pero may isa pang kasamahan ang sumingit. "Palagi rin kaming binibigyan ng regalo ng Heneral tuwing kaarawan namin, pero hindi pa kami nakaranas ng birthday sa isang five-star hotel! Inarkila ng Heneral ang buong lugar para sa'yo, Flora. Tiyak na hindi lang isang milyon ang ginastos niya rito!"

 Inakbayan ako ng isa pang sundalo, na may pilyong ngiti. "Napakaswerte mo, Flora. Mukhang nabihag mo ang puso ng Heneral! Walang lalaking mag-aabala ng ganyan kalaking handaan kung hindi niya gusto ang babae."

 Namula ako sa hiya. "Teka, mali ang iniisip n'yo! Wala namang gusto sa akin ang Heneral. Sinabi niya na sa akin 'yan, at saka, pamilya lang ang turing niya sa akin!" paliwanag ko, pero ang mga ngiti nila ay lalong lumawak na tila hindi naniniwala.

 "Mabait din ako, pero hindi kita gagastusan ng ganitong handaan!" sabi ng isa, na nagpatawa sa lahat. 

"Sino lang ba ang kayang mag-birthday sa ganitong lugar maliban sa mga milyonaryo?" Biglang hinampas ako sa likod ng isa pang kasamahan. 

"Flora, hindi ka nag-iisip! Normal lang na sabihin ng Heneral na pamilya ang turing niya sa'yo, kasi gano'n din ang sinasabi niya sa amin. Pero tingnan mo, ikaw lang ang palaging binibigyan nya ng pabor. Naiinggit kami noon kapag pinapaliban ka niya sa training dahil umiiyak ka o nahihirapan kang sumabay sa pagsasanay!"

 Napailing ako, pero hindi ko maipagkaila na may katotohanan ang sinasabi nila. 

"Iba ang trato niya sa'yo, Flora. Kapatid man ang turing niya sayo ngayon , hindi malayo na ikaw pa ang piliin niyang maging asawa sa hinaharap. Single pa rin siya, di ba? Malay mo, ginagawa niya 'to para iparamdam na mahal ka niya!" dugtong ng isa, na may ngiting panunukso. 

 Parang may kuryenteng dumaloy mula sa tiyan ko hanggang dibdib. Napatingin ako kay Heneral Romeo, na ngayo'y nasa kabilang dulo ng bulwagan, nakikipag-usap sa ilang sundalo. Ang puso ko'y biglang bumilis, at hindi ko alam kung bakit.

Naglalaro sa isip ko ang napakaraming tanong, kung mahal niya ba ako bilang babae? Pero Imposible dahil malinaw na sinabi niya noon na wala siyang gusto sa akin, at kapatid lang ang turing niya. Pero bakit ba ako kinakabahan? 

Tanggap ko na noon pa man na pamilya lang kami, pero dahil sa mga sinabi ng mga kasamahan ko'y parang binuhay ang isang katanungan na ayaw kong sagutin.

 Para maalis ang kaguluhan sa isip ko, nagpunta ako sa gilid ng bulwagan at kumuha ng baso ng wine. Habang umiinom, sinubukan kong pakalmahin ang sarili ko.

 "Hindi mo dapat iniisip ang sinabi nila, Flora. Mas ok sa kanya na magkapatid kami kaya hindi na dapat ako mag isip pa ng ganito." 

Pero sa bawat higop ng wine, lalong tumitindi ang kaba ko. Ilang sandali pa, lumapit si Heneral Romeo, kumuha rin ng baso ng wine, at mahinang ini-umpog ito sa baso ko.

 "Huwag kang masyadong uminom, Flora. Hindi pa tapos ang kasiyahan. May regalo pa ako sa'yo," sabi niya, na may ngiting misteryoso. 

 Itinaas niya ang kamay, at agad lumapit ang dalawang sundalo, inaabot sa kanya ang dalawang susi. "Ito, para sa bagong bahay mo. Gusto kong lumipat ka sa isang maayos na condo na malapit sa eskwelahan mo," sabi niya. 

"At ito naman ang susi sa bagong kotse mo. Ieenrol kita sa driving school, pero magkakaroon ka muna ng driver hangga't hindi ka pa marunong."

 Natulala ako sa sinabi nya at hindi makapaniwala. "Heneral, nagbibiro ka lang diba?" tanong ko, at agad kong isinauli ang mga susi. 

"Hindi ko kayang tanggapin 'to!" 

 Seryoso ang mukha niya habang iniaabot nya ang mga susi. "Mukha ba akong nagbibiro? Bayad na 'yan, at hindi na pwedeng isuli," sagot niya, ang boses ay puno ng diin.

 "Pero Heneral, sapat na ang handaan na 'to. Hindi mo na kailangang magbigay ng ganitong kamahal na regalo!" reklamo ko, pero hinawakan niya ang kamay ko, ang kanyang haplos ay nagbigay ng kakaibang init saakin.

 "Kahit hindi ko kailangang gawin 'to, gusto ko 'tong gawin para sa'yo," sabi niya, at hinila niya ako palayo. 

"Tara, may isa pa akong regalo." 

Wala akong nagawa kundi sumunod. Lumabas kami ng bulwagan at sumakay sa elevator. Habang nasa loob, hawak pa rin niya ang kamay ko, at kahit gusto kong magtanong kung saan nya ako dadalhin ay pinigilan niya akong magtanong pa. 

"Huwag ka munang magtanong, Flora," sabi niya, ang katahimikan sa elevator ay nagbigay ng kakaibang tensyon. 

 Pagdating namin sa rooftop ng hotel, isang hardin ang bumungad sa amin, pinalamutian ng mga bulaklak at ilaw na parang bituin. Sa isang sulok, may mga musikero na tumutugtog ng malamyos na musika.

 "Teka, Heneral, pati ba 'to hinanda mo?" tanong ko, hindi makapaniwala. Ngumiti siya, pero may bahid ng hiya. 

"Oo, inasikaso ko ito para sayo " 

Biglang may nagbukas na LED sa pader at nagulat ako sa nakalagay dito * para sa pinakamamahal kong flora, i love you 101x *.

Napahawak ako sa bibig ko sa sobrang gulat at napatitig sa namumulang mga pisngi ni heneral romeo.

"Sa totoo lang, flora aaminin ko na, wala akong alam sa ganitong mga bagay. Ipinahanda ko lang 'to kay abby at sa tingin ko medyo nasobrahan sya sa pag hahanda lalo na sa bagay na yan. "

Napailing na lang ako dahil alam ko na sinusubukan talaga ni ate abby ang lahat para magkatuluyan kami ni heneral romeo noon pa man. 

Tumigil kami sa gitna ng hardin, at humarap siya sa akin, ang mga mata'y puno ng seryosong titig. 

"Marunong ka bang sumayaw, Flora?" tanong niya.

."Sa mga kasiyahan sa palasyo, kailangang makipagsayaw ang prinsesa para makumpleto ang gabi, di ba?" 

 Hinawakan niya ang bewang ko, at dahan-dahang idinikit ang katawan niya sa akin. Inaya niya akong sumayaw, at nang magsimula ang musika, wala akong nagawa kundi sundan ang mga galaw niya.

 Hindi ko magawang tumingin sa kanya nang diretso, masyadong nagpapakabog sa puso ko. Naramdaman ko ang init ng katawan niya, at habang nakadikit sa kanya ay parang sasabog ang dibdib ko sa sobrang kaba. 

"Bakit ganito ang nararamdaman ko?" tanong ko sa sarili ko. Mahal ko si Heneral Romeo bilang lider, bilang tagapangalaga, pero hindi ko na sya pinapangarap ngayon na maging nobyo. Siya ang inspirasyon ko, ang dahilan kung bakit gusto kong maging sundalo. 

Alam ko naman na hindi na kami pwedeng dalawa pero bakit ba ako kinakabahan nang ganito?

 "Nag-eenjoy ka ba?" tanong niya, ang boses ay malumanay. 

 Hindi ko sya masagot nang diretso. 

"sino bang hindi matutuwa sa ganitong regalo? " bulong ko habang ang mga mata ko'y umiwas. 

Ang init ng katawan niya, ang haplos ng kamay niya sa bewang ko—lahat iyon ay nagpapakaba sa akin. Pagkatapos ng sayaw, inaya niya akong umupo. Pinaghanda kami ng mga waiter ng pagkain—steak, salad, at wine—na mukhang masyadong mamahalin ito para sa isang simpleng gabi. 

Habang tinititigan ko ang pagkain, napansin ko ang mga musikero na patuloy na tumutugtog, at ang hardin na napapalibutan ng mga ilaw. *Magkano kaya ang ginastos ng Heneral para rito?* nasa isip ko.

 "Flora, ayaw mo ba ng steak? May gusto ka bang kainin?" tanong niya, napansin ang katahimikan ko.

 "Hindi naman sa gano'n, Heneral. Gusto ko ang pagkain, pero… tiyak na mahal ang ginastos mo para rito," sagot ko, nahihiya. Ibinaba niya ang kubyertos at tinitigan ako, may bahid ng dismaya sa mukha..

"Hindi mo kailangang isipin kung magkano ang ginastos ko, Flora. Pwera na lang kung balak mong bayaran 'to," sabi niya, na may ngiting panunukso. 

 Napailing ako ng marinig ko iyon. "Wala akong pera para bayaran 'to, Heneral!" sagot ko, at biglang nag-init ang pisngi ko.

 Tumawa lang siya. "Kung importante saakin ang pera, hindi ko sana inampon ang matakaw na batang kagaya mo," biro niya, pero agad akong nagprotesta.

 "Hindi naman ako matakaw! At saka, hindi rin ako magastos!" sigaw ko, halos mapikon. Habang nagtatalo kami, biglang tumunog ang cellphone niya. 

Kinuha niya ito at binasa ang mensahe.

 Pagkatapos mabasa ay bigla siyang tumayo para pumunta sa harap ko, hinawakan ang kamay ko, at hinila ako papunta ulit sa hardin. 

"May huling regalo pa ako para sa'yo," sabi niya. 

 Hindi ko alam kung ano ang aasahan, pero sumunod na lang ako. Kumuha siya ng baso ng wine at inalalayan ako patungo sa dulo ng hardin. Habang nakatayo kami roon, sinabi niya, 

"Bale-wala sa akin ang pera, Flora, kung makikita ko lang na masaya ang pamilya ko. Kaya tatanungin kita ulit—masaya ka ba ngayong gabi?" sambit nya habang nakangiti saakin. 

 "Siyempre naman, Heneral. Sino ba ang hindi matutuwa sa ginawa mo?" sagot ko, pero hindi ko maipaliwanag ang kaba sa puso ko. 

Hindi ko magawang tumingin sa kanya nang diretso. *Nahuhulog na ba ulit ang loob ko sa kanya?* tanong ko sa sarili ko. Pero agad kong itinakwil ang ideyang iyon.

Siya ang Heneral ko, ang tagapangalaga ko na inererespeto, tanggap ko na hindi sya ang lalaking magiging asawa ko. 

 Bigla akong naglakas-loob magtanong. "Heneral, ikaw? Masaya ka ba ngayong gabi? Gusto kong malaman kung masaya ka rin," tanong ko habang ang boses ay halos manginig.

 Hinawakan niya ang ulo ko at hinaplos ang buhok ko habang ngumingiti. "Hangga't nakikita kong masaya ka, masaya na rin ako, Flora. Nag-eenjoy ako kapag nakikita kitang masaya," sabi niya.

 Ang mga salita niyang iyon ay parang nagbigay ng kakaibang liwanag sa puso ko. Pero sa kabila ng saya, may kirot din akong naramdaman. Hindi ko maipaliwanag,

Hindi maalis saaking isipan ang mga nabanggit saakin ng mga kasamahan ko at kailangan linawin ko na ito para mahinto na ang mga kabaliwang iniisip ko tungkol saamin ng heneral ko, sa mga sandaling iyon, bigla akong nagtanong,

 "Heneral, gusto mo ba akong mapangasawa?" 

 Natigilan siya sa sobrang gulat at biglang naibuga ang wine na iniinom niya. Nauubo siya dahil sa pagkabigla sa tanong ko. 

"A-Ano bang sinasabi mo, Flora?!" tanong niya habang ang mukha nya ay pulang-pula. Nahiya ako sa sarili ko sa naitanong ko sa heneral pakiramdam ko gusto ko na lang lamutin ng lupa, pero kailangan ko ng sagot. Kinuha ko ang baso niya at ininom ang laman nitong wine.

"Tapatin mo ako, Heneral. Ginagawa mo ba 'to para makuha ang loob ko?" sabi ko habang ang boses ay puno ng kaba. 

"Palagi mo akong binibigyan ng pabor, inaabala mo ang sarili mo para sa akin. Hindi normal 'yon para sa isang Heneral at isang tauhan. Alam ko na gusto mo lang akong mapasaya bilang kapatid mo, pero hindi mo kailangang gumastos ng milyon-milyon para lang do'n. Naguguluhan na ako sa espesyal na pagtrato mo sa akin!" 

 Pinigilan niya ako, inilagay ang daliri sa labi ko. 

" Teka iniisip mo ba na ginagawa ko 'to dahil gusto kitang maging asawa?" tanong niya, ang boses nya ay kalmado pero seryoso. 

 Namula ako at napayuko bigla sa sobrang kahihiyan. "Normal lang na isipin ko 'yon, di ba? Isa parin akong babae. Hindi ko maunawaan kung ano ang iniisip mo, kaya kailangan kong malaman kung ano ba talaga ang plano mo sa akin," sagot ko, halos bulong na.

 Napabuntong-hininga siya. "Alam mo, Flora, mabait ka, mahinhin, at maganda. Para sa akin, isa kang ng perpektong babae para—" 

 Bago pa siya makatapos, tinakpan ko ang bibig niya gamit ang kamay ko habang galit na galit na nag pout sa harap nya . 

"Tigilan mo 'yan, Heneral! Narinig ko na 'yang papuri na 'yan ng maraming beses sayo!" sigaw ko. 

"Ang gusto ko lang malaman ay kung ano ba talaga ang gusto mong mangyari saating dalawa?" 

 Natahimik siya sandali, ang mga mata nya ay nakatitig lang sa akin. Nabalot ng katahimikan ang lugar na parang nag aantay ng kung anong bagay, at ang bawat segundo na lumilipas ay nagdadagdagan ang kaba ko habang hinihintay ang sagot nya. 

Hinawakan niya ang kamay ko para alisin ito mula sa bibig niya, at mahigpit na hinawakan. "Ano bang gusto mong marinig mula sa akin, Flora?" tanong niya, ang boses ay puno ng pagtataka. 

 Natigilan ako bigla sa tanong nya saakin. Ano nga ba ang gusto kong marinig? Tama ba na itanong ko kung may nararamdaman siya para sa akin? Paano kung sabihin niyang oo? Ano ang gagawin ko? Napailing ako sa kahihiyan. Alam ko na hindi ko naisip kung ano ang mangyayari kung sabihin nya na gusto nga nya akong maging nobya. 

"Gu-gu-gusto ko lang malaman ang totoo... Wala naman akong ibang nais mangyari pang iba," bulong ko. 

 Biglang hinawakan niya ang mga balikat ko, at doon ay napatingin ako sa kanyang mga mata Pero hindi ko inaasahan ang sumunod niyang ginawa. 

Hinalikan niya ang noo ko, at kasabay noon, biglang nagliwanag ang kalangitan. Napuno ng liwanag ang gabi dahil sa mga fireworks sa kalangitan, ang mga kulay ng pula, asul, at ginto ay parang sumasayaw sa itaas. 

Hindi ako makapagsalita, ang katawan ko'y parang naparalisa sa kaba. Hindi niya sinagot ang tanong ko. Sa halip, tumingin siya sa langit. Ilang saglit pa habang nanunuod sya ng fireworks display ay bigla syang bumuntong hininga. 

"Hindi ko alam kung bakit iniisip mo ang mga gano'ng mga bagay, Flora. Noon ko pa sinabi na makasarili akong tao, di ba? Ginagawa ko 'to para sa sarili ko, bilang pagtupad sa pangako ko na aalagaan kita bilang pamilya."

"Makasariling tao? " Bulong ko sa sarili ko.

Habang pinapanood ko ang mga fireworks, napansin ko ang lungkot sa kanyang mga mata. 

Alam ko na si Heneral Romeo ay hindi lamang isang lider, kundi isang tao rin na may sariling kalungkutan. 

"Bakit mo ba sinasabi ang mga bagay na katulad nyan? Alam ko na isa kang mabuting tao at hindi isang makasarili. " 

Marahil sasabihin nya na kaya niya ako isinasama sa mga ganitong pagkakataon ay para maranasan niya rin ang maging normal, kahit saglit lang. Pero sa kabila niyon, hindi niya kayang maging masaya nang buo, dahil sa bigat ng kanyang mga responsibilidad at kasalanan sa nakaraan.

Ilang saglit pa ay bigla nya akong niyakap habang sinasabi saakin na hayaan ko syang gawin iyon para sa sarili nyang kapakanan. Sinabi nya na isa iyong makasariling bagay para maibsan ang kalungkutan nya na dinadanas. 

 "Nagmula ako sa isang simpleng bayan sa Batangas," simula niya, ang boses ay malalim at puno ng alaala.

 "Isang payak na komunidad, kung saan karamihan ay mga Pilipinong nagsisikap mabuhay. Ang pamilya ko, mga gumagawa lang ng balisong at nangangisda para may makain sa araw-araw."

Habang nakayakap ay ikinuwento niya ang kanyang nakaraan. Ayon sa kanya sa edad na pitong taon, natanggap niya ang kapangyarihan mula sa mga diwata. Pero ang kapangyarihang iyon ay nagdala ng matinding pagsubok para sa kanya.

Isang araw, napilitan siyang gamitin ito para protektahan ang pamilya niya mula sa mga Kastila. Mabilis kumalat ang balita, at nalaman ng mga Kastila ang kanyang kakayahan. Upang hindi siya maging banta, hinuli siya at pinilit na sumumpa ng katapatan sa watawat ng Espanya.

 "Takot na takot ako noon, Flora. Isang bata lang ako, walang alam sa mundo, walang kakayahang ipagtangol ang sinuman. Ang tanging gusto ko lang ay mailigtas ang pamilya ko," sabi niya, ang mga mata'y puno ng pagsisisi.

 Ikinulong ang pamilya niya, at sinabihan na walang awa syang aasahan kung hindi siya sasali sa hukbo ng mga Kastila. 

Sa edad na sampung taon, naging sundalo siya, tinuruan bilang "tuta" ng Espanya. Binigyan siya ng bagong buhay—bahay, edukasyon, at pagkakataong umunlad ang pamilya niya bilang honorary Spaniards.

 "Noong una, parang pangarap lang ang lahat. Natuwa ako, lalo na't naibibigay ko ang mga pangangailangan ng pamilya ko, lalo na kay Inday, ang bunsong kapatid ko," sabi niya, at napansin ko ang lambot sa kanyang boses nang banggitin ang pangalan ng kapatid. 

"Malambing siya, masayahin, at malapit talaga ang kapatid ko saakin. Ako ang naging tagapag-alaga niya, tinuturuan ko siya ng mga bagay na kailangan niyang malaman. 

Nangako ako na balang araw, dadalhin ko siya sa iba't ibang lugar sa Pilipinas, na bibigyan ko siya ng magandang buhay." kwento nya. 

 Pero ang pangarap na iyon ay hindi na matutupad pa kailan man. Bilang honorary Spaniard, bawal silang tumulong sa mga Pilipino, dahil itinuring itong pagsuporta sa mga rebelde. 

Dahil doon naisip ni Romeo na hikayatin ang mga tao sa bayan niya na maging honorary Spaniards din kagaya nya, iniisip nya na makakatulong sya sa maraming tao.

 Nag abala sya sa pag aasikaso at ginastusan niya ang proseso, sa paniniwalang mapapabuti nito ang buhay ng mga tao. Sa loob ng isang taon, mahigit isang daang Pilipino ang naging honorary Spaniards, naging masagana ang buhay nila.

Bumitaw sya sa magkakayakap saakin at humakbang paatras para dumistansya saakin. 

 "Akala ko, natulungan ko sila. Pero hindi gano'n ang realidad," sabi niya, ang boses ay puno ng pait.

 " Maraming nagagalit na mga Pilipino sa aming pamilya dahil sa ginagawa ko. Tinawag kaming mga traidor, kapag dumadaan kami sa palengke ay binato kami ng kamatis at itlog. Hindi ko maunawaan noon kung bakit mas mahalaga sa iba ang dangal bilang Pilipino kaysa sa pag-alis sa kahirapan?" 

 Nalaman ng mga rebelde ang ginagawa niya, at isang gabi, sumiklab ang rebelyon sa kanilang bayan. Tinawag siya upang sugpuin ito, at kahit nag-aalangan na kalabanin ang mga kapwa pilipino ay tumulong parin siya dahil isa syang sundalo. 

 Napigil nila ang rebelyon ngunit kahit ganun ay hindi niya kayang patayin ang mga rebelde, dahil alam niyang mga Pilipino rin ang mga ito, na nagnanais lamang ng kalayaan. 

 Kinabukasan, nalaman niyang inatake ng mga rebelde ang kanilang lugar. Pinatay ang lahat ng honorary Spaniards, kabilang ang kanyang pamilya—ang mga kamag anak at kapatid niya, kabilang doon si Inday.

 "Halos mabaliw ako sa galit, Flora. Wala na akong pakialam kung anong dahilan nila. Ang gusto ko lang ay maramdaman nila ang sakit na naramdaman ko," sabi niya, ang mga mata'y blangko, puno ng sakit.

 Ipinapatay niya ang mga nahuling rebelde, at hinanao ang pumatay sa kapatid nya at doon nagsimulang madumihan ng dugo ng mga Pilipino ang kanyang mga kamay. 

"Napagtanto ko na makasarili akong tao. Akala ko, ang pagiging honorary Spaniard ang sagot sa kahirapan, pero pansamantala lang 'yon. Dahil sa akin, namatay ang mga nais kong tulungan, ang mga pinag aalayan ko ng maayos na buhay." 

"Kasalanan ko ang pagkamatay nila at ngayon ako na rin ang may dahilan kung bakit namamatay pa ang maraming Pilipino. " Malungkot na sambit nya. 

Bakas sa kanyang mukha ang kalungkutan na hindi maipaliwanag. Humakbang ako palapit sa kanya at sinungaban ko sya ng yakap.

Hindi ko alam kung paano siya tutulungan, pero gusto kong maibsan ang kanyang kalungkutan. 

Umiyak ako habang nasa bisig nya at mahigpit na niyakap ito. 

"Heneral, wala kang kasalanan , isa ka lang din namang tao na nagkakamali.hindi mo kailangan sisihin ang sarili mo ," bulong ko, habang ang mga luha'y pumatak sa pisngi ko.

Ilang saglit pa habang umiiyak ako ay hinawakan nya ang ulo ko habang hinahaplos ang likod ko. "Bakit ka umiiyak, Flora?" tanong niya, hinawakan ang ulo ko para patahanin.

 "Umiyak ako kasi nalulungkot ako para sa'yo. Alam ko na hindi ka iiyak, kaya ako na lang ang iiyak para sa'yo," sagot ko, habang patuloy ang pag-iyak. 

 Ngumiti siya, marahan na hinaplos ang buhok ko at ilang saglit pa ay nagpatuloy sa pagsasalita. "Tatlong taon pagkatapos ng trahedyang 'yon, naging Heneral ako. Nagdesisyon akong kunin ang lahat ng sugo para tulungan ako sa makasarili kong layunin—ang gawing mapayapa ang bansang ito. Nang pumunta ako sa Benguet, nalaman ko ang tungkol sa sugo ng La Trinidad—ikaw ang babaeng tinutukoy ko." 

 Sinabi niya na nagulat siya noong una akong makita sa kulungan, dahil naalala niya ang kapatid nyang si Inday.

 "Naging bato ang puso ko ng maraming taon, pero nang mapunta ka sa pangangalaga ko, unti-unting nagbago ang tingin ko sa mundo. Naisip ko na hindi na maibabalik ang pamilya ko, pero hindi ibig sabihin na hindi na ako makakabuo ulit ng bago." 

 Inamin niya na ang lahat ng hindi niya nagawa para kay Inday, gusto niyang gawin para sa akin. 

" ang alam ko lang ay gusto kong ibigay sayo ang isang magandang buhay, Flora," sabi niya. Ang mga salita niyang iyon ay nagpabigat ng puso ko, pero sa magandang paraan. 

"Kung gano'n, kaya mo pala ako itinuturing na espesyal dahil naalala mo si Inday saakin? Pero Heneral, mas matanda ako sa'yo, kaya hindi mo ako pwedeng ituring na bunso!" biro ko, sinusubukang gawing magaan ang usapan. 

 "Maliban sa makasarili, mayabang din ako. Kaya hindi pwedeng mas matanda sa akin ang itinuturing kong bunso," sagot niya, na may ngiting tunay na tunay.

 Hinawakan niya ang braso ko at inilayo ako sa kanya, pero may lambot parin sa kanyang kilos. "At isa pa, wag ka nang umiyak sa harap ko. Ang Panget mo kapag umiiyak," dugtong niya, na nagpatawa sa akin kahit namumula ang pisngi ko sa hiya. 

 Sa mga sandaling iyon, lalo kong nakilala si Heneral Romeo—ang lalaking handang magbigay ng lahat para sa pamilya niya, kahit na puno ng sakit ang kanyang nakaraan ay nanatili syang matatag.

 Sobrang hinahangaan ko sya. Alam ko na handa akong sumunod sa kanya habang buhay, bilang tauhan at bilang pamilya.

 Natigil ang mga fireworks, at kasabay noon ay ang pagtunog ng cellphone niya. 

"Natapos na," sabi niya at tumingin sa akin.

 "Nagustuhan mo ba?" 

 Hindi ko naintindihan ang tanong nya at ilang segundo pa ang lumipas ay nagulat ako nang mapagtanto ko na ang fireworks ang huling regalo niyang tinutukoy kanina. "Teka, Heneral, ikaw ang naghanda ng fireworks display?!" sigaw ko habang hindi makapaniwala. 

 "Tsk, kanina ka pa nanonood, pero ngayon mo lang nalaman?" sagot niya, na may bahid ng panunukso.

 Nagpout ako. "Hindi mo kailangang gumastos ng gano'n para mapasaya ako!" reklamo ko. 

 Hindi niya pinansin ang sinabi ko at tinalikuran ako, naglakad pabalik sa upuan namin sa hardin. Pinagmamasdan ko sy habang nagllakad palayo at biglang napangiti dahil alam ko na napakaswerte ko na nakilala ko ang lalaking kagaya nya. 

Pero bago pa siya makalayo, biglang may kakaibang presensya ang naramdaman ko. Isang malamig na hangin ang humampas, at nang lingunin ko ang itaas, isang malaking puting portal ang bumungad sa kalangitan.

 Mula roon, isang halimaw na may mga galamay ang unti-unting lumabas, ang mga mata nito ay pulang-pula at nakakasindak na anyo.

 Nanlaki ang mga mata ko, at hindi ako makapagsalita. Napakabilis ng pangyayari, at bago ko pa maunawaan ang panganib na maaaring maidulot nito ay nakita ko ang mga galamay nito na papunta kay Heneral Romeo. 

Walang nagawa ang katawan ko kundi gumalaw. Tumakbo ako pasulong habang ang puso ko ay puno ng takot. "Heneral!" sigaw ko habang hinaharang ko ang sarili ko.

 Ang mga galamay ay tumama sa akin, at isang malakas na boltahe ng kuryente ang dumaloy sa katawan ko. "Ahhh!" sigaw ko, habang nanghihina ang tuhod ko. 

Hindi ko na maramdaman ang mga braso ko, at ang paningin ko'y unti-unting umiikot. Naramdaman ko ang paghila ng mga galamay sa akin paitaas, palayo sa lupa.

 Nakita ko si Heneral Romeo na inaabot ang kamay ko, pero hindi niya ako naabot. 

"Flora!" sigaw niya, ang boses ay puno ng desperasyon. Bago ako tuluyang mawalan ng malay, narinig ko ang isang natatawang boses mula sa dilim. 

"Tapos na ang gabi ng kasiyahan, mahal na prinsesa. Oras na para ipakita sa'yo ang tunay na realidad ng mundong ito!"

End of chapter. 

More Chapters