LightReader

Chapter 131 - chapter 66 ( TAGALOG)

Translate into English with good wordings.

Kabanata 66: Ang lihim na nilalman ng Puso 

Adelina's Point of View 

Lumipas ang ilang araw habang patuloy kaming nakikitira sa condo ni Romeo. Ang buhay dito ay naging routine na—komportable, tahimik at maaliwalas na hindi namin naranasan sa aming dating apartment sa Kawit.

 Tuwing gabi, umuuwi si Romeo na pagod ang katawan mula sa kanyang misteryosong trabaho, ngunit kahit na halatang pagod sa trabaho ay hindi nya parin nakakalimutan ngumiiti lalo na kapag binabati niya ako habang naghihintay sa may pintuan at sa umaga naman ay maaga siyang umaalis para pumasok. 

Bilang pagtanaw ng utang na loob, ako na ang naghahanda ng hapunan para sa kanya. Pinagluluto ko siya ng mga simpleng pagkain na alam kong magugustuhan nya kagaya ng sinigang na baboy na may sariwang gulay na binibili ko pa sa palengke, pritong bangus na may sawsawang ensalada, at mainit na kanin.

Habang nagluluto, iniisip ko ang mga alaala ng pagluluto ko para sa mga kapatid ko noon nasa apartment pa ako—ang ingay ng mga kapatid ko sa paligid, ang tawanan ni Lola habang naghahanda ng gulay. 

Ngunit ngayon, iba na ang pakiramdam ko kapag nagluluto. Hindi ko na ito ginagawa para sa mga kapatid ko, kundi para sa isang lalaki.

Isang lalaking hindi ko inaasahan na magiging bahagi ng pang araw-araw na buhay ko. Sa tuwing nakikita ko siyang nag eenjoy kumakain at pinupuri ang mga niluluto ko, may kirot ng saya sa dibdib ko, parang unti-unting nabubuo ang isang ugnayan na hindi ko pa lubusang nauunawaan.

 Inaamin ko masaya akong marinig mula sa kanya ang pasasalamat pagkatapos kainin ang inihanda ko pakiramdam ko nakakabawi ako sa kanya sa mga kabutihan nya saamin. Tuwing umaga naman, gumigising ako nang maaga—alas-sais pa lang, bago lumalabas ang araw sa malaking bintana ng condo. Naghahanda ako ng almusal: tuyong danggit, adobong manok may patatas, at sinangag na maraming bawang at sibuyas na nagpapasigla sa buong kusina.

 Nakasanayan ko na habang naghahanda ako ay naliligo si romeo, gayunpaman nagsisimula ang kaba sa tiyan ko tuwing naririnig ko ang tunog ng pinto mula sa banyo hudyat na tapos na sya maligo

.

Parang may kung anong paru-paro ang lumilipad sa sikmura ko, isang pakiramdam na hindi ko maipaliwanag. "Bakit ba ganito?" tanong ko sa sarili ko habang naghahalo ng kape.

 "Hindi naman na siya iba sa mga kapatid ko." At deep down, alam ko na tungkulin kong asikasuhin sya. Pagsilbihan ang lalaking nagbigay ng pag-asa sa aming pamilya. Isang umaga, habang naghahanda ako ng pagkain—ang amoy ng pritong itlog ay puno na sa hangin, at ang kape ay nagbubula na sa kaldero—narinig ko ang tunog ng banyo na nagbubukas. 

Natapos syang maligo at lumabas sa banyo, nakita ko siyang papalapit habang nakashort lang. Walang pang-itaas, nakapatong lang sa balikat niya ang puting tuwalyang ginagamit, gumagapang pa ang tubig mula sa kanyang basang buhok pababa sa malapad niyang dibdib.

Mapapansin sa katawan niya ang pagka maskulado at matikas na mga abs na parang hulma ng isang mandirigma, natameme ako habang pinagmamasdan ko ang katawan nya sa malapitan. 

Napansin ko rin na may mga peklat sya sa kanyang braso at tagiliran na tila ba sumasabak talaga sya sa mga laban. Kaya naman nacucurious ako kung ano ba talaga ang ginagawa nya sa trabaho nya. 

 Dahil magkatabi ang banyo at kusina ay dumaraan siya sa harapan ko, gumagawa ng maliliit na tunog sa marmol na sahig ang bawat hakbang ng kanyang tsinelas. Naabutan niya akong naghahanda ng plato sa lamesa, ngunit bigla siyang huminto sa gitna ng lamesang kinatatayuan ko.

 Hindi ko alam kung ano ang iniisip niya, pero ang mga mata niya ay nananatiling nakatingin sa akin—mula sa aking kamay na may hawak na sandok, hanggang sa mukha ko na ngayon ay nagsisimula nang mamula.

Pinagmasdan niya ako nang matagal, parang sinusuri ang bawat galaw ko mula sa pagtitimpla ng kape hanggang sa paglipat ko ng itlog sa plato, nararamdaman ko na tinitignan nya ako habang naghahanda ako. 

Nagulat ako nang mapatingin ako sa kanya nang diretso. "A-anong problema mo, bakit mo ako pinapanuod habang naghahanda ng almusal?" sigaw ko habang ang boses ko ay natataranta at tensyunado

 "Pwede ba magdamit ka muna bago ka humarap sa ibang tao!"

Napalunok ako, ang mga mata ko ay hindi maiwasang mapatingin sa kanyang matitigas na dibdib. Bakit ganito? Bakit biglang mainit ang mukha ko? Agad siyang humingi ng pasensya, ang boses niya ay malambot at may halong hiya. 

"Pasensya na, Adelina. May bigla lang akong naalala." Pero imbis na takpan ang katawan niya o magmadali pumuntang sa kwarto, kinuha niya ang tuwalyang nasa balikat at dahan-dahang pinunasan ang buhok niya. 

Ang mga patak ng tubig ay bumagsak sa sahig, at ang amoy ng sabon na gamit nya ay pumuno sa kusina. Ramdam ko ang init sa pisngi ko, parang sinisilaban ng kahihiyan at... isang bagay na hindi ko pa nauunawaan.

Napaka weird, hindi naman dapat ganito ang ikinikilos ko. 

 Lumapit siya ng bahagya at ipinatong ang kamay sa mesa. "Hindi mo kailangang gumising nang maaga para lang ipaghanda ako. Pwede naman akong bumili sa tindahan at kumain sa sasakyan habang nagdra-drive." Ang mga mata niya ay seryoso, puno ng pag-aalala. 

"Para sa akin, hindi mo kailangang bumawi o asikasuhin ako nang ganito. Pinapagod mo lang ang sarili mo. " Sambit nya. 

Hindi ko alam kung bakit, ngunit bigla akong nakaramdam ng pagkairita sa kanya. Nanlalambot ang mga braso ko dahil sa mga narinig ko sa kanya. Parang sinasabi niyang hindi ko kailangang mag-effort, na para sa kanya. Nakaramdam ng pagsikip ang dibdib ko, magkahalong pagkainis at pagkadismaya dahil iniisip niyang walang halaga ang ginagawa ko. Nakakainis. Bakit ako nasasaktan ng ganito? 

 "Ayoko," matigas kong sambit habang naglalagay ng itlog sa plato. " Ginagawa ko ito dahil nakiki tira kami sa bahay mo. " Matapang kong sagot. 

"Hindi ako makakapayag na magkautang na loob pa sa'yo. Hindi kita kayang bayaran ng pera, kaya kahit dito, mapapanatag ang loob ko na nakakabayad ako sa'yo."

 Ang boses ko ay matatag, ngunit sa loob ko nagsisimula na akong kabahan paano kung sabihin nya na ayaw nya ng luto ko? 

Paano kung hindi nya talaga gusto ang mga ginagawa ko para sa kanya? Nagbuntong-hininga na lang siya, bakas sa kanyang mukha na tila ba hindi na nya gusto pang makipagtalo.

 Inilapag niya ang tuwalyang basa sa counter at ngumiti ng mahina.

"Bahala ka na nga. Ang totoo, pabor saakin ang ginagawa mo, at malaki ang naitulong ng ginagawa mong ito para saakin." Sambit niya.

Nagulat ako sa narinig ko, naramdaman ko ang init sa dibdib ko nang marinig kong gusto nya ang mga ginagawa ko para sa kanya mga salita. 

" Talaga? Ok lang sayo na ipagluto kita? " 

" Huh? Syempre naman. Masarap naman ang luto mo at pabor saakin. "

"Tch, ganun pala naman eh," pag-susungit ko, ngunit may ngiti na sa gilid ng labi ko. "Anong problema? Hayaan mo na lang akong gawin ito, at kung ayaw mong kainin ang niluluto ko, pwede mo naman iwanan na lang ito sa mesa."

 Inilapag ko ang pitsel sa mesa. Ngumiti lang siya nang maikli habang kinukuha ang isang hotdog para kainin.

 "Kakainin ko ang lahat ng iluluto mo, kahit ano pa lasa nito. Kahit matabang man ito o maalat , hindi ako kailanman nagsasayang ng pagkain dahil mahirap kumita ng pera." Sambit nya na may tono ng pang aasar. 

 Ang mga mata niya ay nakatingin lang sa akin habang ngumunguya.

Bigla akong nagalit sa sinabi niyang "matabang." "Hindi ako nagluluto ng matabang!" sigaw ko, ang mukha ko ay namumula na naman sa inis. 

Dahil sa pagsigaw ko, agad siyang humingi ng pasensya, nakikita ko sa reaksyon ng mukha nya na nag eenjoy syang asarin ako pero hindi ko kayang mainis sa kanya dahil napakaganda ng ngiti nya ngayong umaga. Malayong malayo sa pagod at malungkot na ekspresyon nya tuwing uuwi sya galing sa trabaho. 

 "Ang totoo, natatakot lang ako sa ginagawa mo, kaya hindi ako komportable na pinaghahanda mo ako ng pagkain." 

"Natatakot? Teka, hindi naman kita lalasunin, at mukha naman disente ang mga luto ko!" sagot ko, nagtataka at may halong pag-aalala.

 Ngumiti lang siya ng marinig ito saakin, ang mga mata ay puno ng lambot. "Hindi ang paglason sa akin ang kinatatakot ko. Nasasanay na kasi ako sa mga ginagawa mo, at baka mahirapan na akong maging mag-isa sa oras na umalis ka na."

 Ang mga salitang iyon ay parang bombang sumabog sa dibdib ko—ramdam ko ang init na dumaloy mula sa mukha pababa sa puso. Hindi ako makatingin sa kanya, ang mga pisngi ko ay namumula na parang sili sa init. Bakit ganito? Bakit biglang parang nagbabago ang pagtingin ko mundo kapag nakangiti sya? 

Bigla akong nakaramdam ng hiya, hindi makatingin sa kanya dahil sa mga sinasabi niya. Pinilit ko na lang sumagot kahit ang boses ay halatang tensyunado. 

"Hindi ko alam kung hanggang kailan ako mamamalagi sa condo mo, pero habang may utang na loob ako sayo, titiyakin ko na babayaran ko ito at gagawin ang paghahanda ng pagkain para sa'yo." 

Sa loob ko, natatakot ako na mawala ang ganitong gawain na alam kong nakakatulong sa kanya, isang simpleng kasiyahan para saakin ang pagluluto para sa kanya. 

Ngumisi lang siya saakin at hindi na sumagot, isang pag ngisi na puno ng lihim. Ilang sandali pa, naglakad na siya papasok ng kanyang kwarto, Hindi ko alam kung ano ang nasa utak niya, ngunit kahit ako ay napapaisip na rin,

Hanggang kailan ko ba ito gagawin? Napaka-komportable sa bahay na ito—ang malambot na kama, ang aircon na bumabalot sa boung bahay, ang malaking TV na nagagamit namin ni Lola at Aries tuwing gabi. Nakikita ko na masaya sina Lola at Aries dito; mas masigla na rin ang kilos ni lola kesa noon, tuloy tuloy na ang pagbuti ng kanyang kalusugan

Gusto kong magtagal dito, ngunit alam ko na hindi ito magtatagal at matatapos din ang pagtulong nya saamin at babalik kami sa dating buhay namin sa Kawit , wala kaming magagawa kundi bumalik sa kung saan kami nagmula. 

Ilang oras ang lumipas pagkatapos makaalis si Romeo. Habang nanunuod kami ng TV sa sala ng lumang teleserye tungkol sa pag-ibig sa gitna ng digmaan, biglang napatayo dahil sa gulat si aries hawak ang cellphone niya.

 "Masamang balita, Ate! Nasa kulungan ngayon sila Ate maya!" nagpapanic nitong sambit. 

Hindi ko maunawaan ang nangyayari; ang puso ko ay biglang tumibok nang mabilis. Mabuti na lang at tulog si Lola sa kwarto—kung narinig nya iyon ay tiyak na matataranta ito sa balitang sinabi ni aries, at baka bumalik ang sakit niya.

 "Ano daw ang nangyari?" tanong ko, ang boses ay nanginginig habang hinila ko siya palapit.

 "Sinabi lang saakin ng kaibigan ko, nahuli daw sina Ate Aira, Ate Maya, at Ate Mara! Kailangan natin umuwi muna!" Sagot niya habang ang mga kamay ay nanginginig habang nagti-type pa ng reply. 

Agad na nagmadali kami na mag-ayos, hinubad ko ang pambahay ko at nagpalit ng pang alis na maong at t-shirt mabilis kong hinanap ang pitaka ko kasabay ng pag kuha ng cellphone para kontakin ang mga kakilala ko.

Pagkatapos, pumasok kami sa kwarto ni Lola, na mahimbing na natutulog sa malambot na kama. Hinaplos ko ang kamay niya at hinagkan ang noo.

 "Lola, aalis lang kami saglit. Babalik kami agad," bulong ko, kahit alam kong hindi niya maririnig.

 Lumabas kami nang dahan-dahan, sinara ang pinto nang mahina.

Ilang oras ang lumipas ay nakarating na kami sa presinto. Nakita namin ang napakaraming tao sa labas—hindi bababa sa isandaan, marami sa kanila ay mga kapitbahay namin sa apartment na ngayon ay nagmamakaawa sa mga pulis. 

"Pakawalan niyo po sila! Wala pong kasalanan ang mga 'yan!" sigaw ng isang matandang babae habang patuloy na nagpupunas ng luha sa mga mata. 

 Ilan sa mga kapitbahay namin na naroon ay kinikiskis ang mga kamay sa uniporme ng mga pulis, nagmamakaawa sa mga ito. Ang ingay ay naghalong iyakan, sigawan, at tunog ng baston ng mga guwardiya na inihahampas sa bakal na harang.

Sa gitna ng aming paki usap, hindi kami pinapapasok sa loob—nakatayo ang mga pulis at nakaharan na parang pader habang hawak ang kanilang mga baril.

 "Umuwi na kayo! Bukas pa kayo pwedeng dumalaw sa mga preso!" sigaw ng isa, ang mukha ay matapang na parang bato. 

Sumama na lang kami sa ibang naroon, naghihintay sa na may magandang mangyari kahit na sa giitna ng kaguluhan.

 Agad naming nilapitan ang mga kakilala namin—si Aling Rosa, na kapitbahay namin sa apartment, na umiiyak na sa gilid. 

"Bakit nga ba hinuli sila, Aling Rosa?" tanong ko, hinawakan ko ang braso niya na malamig at nanginginig.mababakas ang takot sa mga ito, nagpapanik habang si aling rosa habang ikinukwento ang nangyari.

 "Nagkaroon ng raid sa lugar natin kanina, Adelina! Hinuli ang lahat ng mga tauhan ni Don Felidemo!" Sagot niya, ang boses ay paos mula sa pag-iyak.

 "Hindi lang ang bahay niya ang niraid—pati ang mga nightclub at pasugalan niya! Mga sundalo ang dumating, hindi pulis! Pinaghahabol sila ng baril!" 

Nagulat kami at hindi makapaniwala sa nabalitaan namin. Si Don Felidemo ay isang mayamang Kastila na nagmamay-ari ng lahat ng ilegal na negosyo sa Kawit.

 Karamihan sa mga sugalan at nightclub na pagmamay ari nya ay mga pulis mismo ang parokyano kaya ganun na lamang ang aming pagtataka sa pag aresto sa kanya. 

"Paano nila nagawa 'yun? Hindi ba mga pulis ang customer nila?" tanong ko, ang puso ko ay tumitibok nang malakas.

 "Yun nga ang mas nakakatakot," bulong ni Aling Rosa, hinila kami palayo sa nga pulis at bumulong. "Hindi mga pulis ang dumakip—maraming sundalo ang bilang dumating, mga armado sila ng mahahabang baril na parang sasabak sa digmaan! Pinaghuhuli nila ang mga tao at binabaril ang mga lumalaban" 

Nanlalaki ang mata ni aling rosa sa takot habang inaalala ang mga nakitang eksena ng pagdakip. 

Kasalukuyang nagkakaroon ng tensyon sa presinto—makikita na naroon pa rin ang mga sundalo, mga naka itim na uniporme at hawak ang mga mahahabang rifle na tila handa sa ano mang kaguluhan. 

Marami ring Kastila sa loob, sinisigawan ang mga sundalong nagbabantay. "¡Idiotas! ¡Esto es un error!" sigaw ng isa na halos namumula na ang mukha sa galit.

Sa sobrang yaman ni Don Felidemo tinuturing syang big boss ng mga honorary Spaniard sa lugar namin—sunud-sunuran sa kanya ang lahat.

Noon pa man ay kilala siya sa mga ilegal na negosyo kagaya ng drugs na talamak sa bawat kanto, pasugalan na bukas hanggang madaling araw, prostitution na inilalako ang mga babae.

 Pero dahil nga sa impluwensiya at yaman niya—milyun-milyong piso sa bangko, mga lupa sa buong Cavite—walang naglalakas-loob na ipahuli siya. Ilang saglit pa, dumating ang ilang itim na kotse—mga armored van na parang mula sa pelikula at naglalaman ito ng mga sundalo. 

Ibinaba nila ang mga nahuling mga honorary Spaniard na kasosyo ni Don Felidemo sa mga negosyo. Dahil sa pagiging agresibo ng mga ito, naging maingay ang lugar.

 "¡Suéltenme, bastardos!" sigaw ng isa, nagpupumiglas habang hinihila ng sundalo. Pinagbabantaan nila ang mga sundalo: 

"magbabayad kayo pag nakalabas kami dito, tandaan nyo yan!" Hindi matapos tapos ang mga galit na mga sigaw, at tunog ng mga batuta na hinahampas sa gate.

 Dahil sa kaguluhan na namumuo sa lugar, pinapauwi kami ng mga pulis. "Umuwi na kayo! Hindi niyo makaka usap ang mga pamilya niyo! Mahigpit ang utos ng Gobernador Heneral ng Cavite—walang bisita para sa araw na ito!" sigaw ng isang opisyal. 

"Bukas pa kami tatanggap ng bisita hangga't hindi nagbibigay ng utos ang Gobernador!" Pinagtulakan kami paalis, kahit anong pagmamakaawa ng mga tao

"Please, maawa naman kayo, matinong tao ang anak ko. " 

"Wala silang kasalanan!"

Sa girna ng pag mamakaawa ng marami saamin ay hindi parin nila pinakikinggan ang paki usap ng mga tao. Ang mga sundalo ay matigas, parang robot na walang damdamin. Kahit na natatakot kami sa kalagayan nila Ate, wala na kaming nagawa pa kundi sumunod sa mga utos nila. 

Umuwi kami sa dati naming bahay—isa itong malaking gusali na puro apartment unit, sa lugar na 'yun nanunuluyan ang mga tauhan ni Don Felidemo. Sampung minuto lang ang layo ng presinto, 

Pagdating, sinalubong kami ng tatlong nakakabata naming kapatid—si Ben, si Carlo, at si Dina—na nanginginig sa takot sa loob ng kwarto.

 "Ate! Hinuli nila sila ate mara !" sigaw ni Dina, takot na takot na yumakap sa akin nang mahigpit.

Dahil minor de edad sila ay hinayaan ng mga sundalo ang tatlo kong kapatid habang hinuli ang mga Ate ko na sina Aira, Maya, Mara dahil nasa loob sila ng bahay at gusali ng negosyo na pagmamay ari ni Don Felidemo.

Ayon sa kanila, hinuli lahat ng nasa loob—kabilang ang mga hinihinalang gumagawa ng mga ilegal na gawain: pagbebenta ng drugs sa mga kliyente, pagpapatakbo ng sugalan, at pagpilit sa mga babae sa prostitution.

Sobrang nakakatakot dahil alam namin na hindi ito madaling matatapos. Ang mga katulad naming mga mahihirap na Pilipino ay hindi pinakikinggan sa lahat ng hukuman o presinto. Walang paraan para makaligtas ang mga Ate ko; ang batas ay para sa mayayaman lang, hindi para sa amin.

"Ano na bang nangyayari? Bakit ba pinapahuli si Don Felidemo ng Gobernador Heneral?" tanong ko habang yakap-yakap si Dina. 

Habang nalulumbay kaming magkakapatid, nakita ko si Aries na umiiyak na sa sulok dahil sa pag aalala, alam kong mahal na mahal nya ang mga ate namin, pero ilang sandali pa biglang may naalala si Aries at nabanggit sa akin. 

"Hindi kaya may kinalaman si Kuya Romeo sa nangyayari?"

 "Huh? Ano naman ang kinalaman niya dito?" tanong ko habang nagtataka sa nabanggit ni aries.

 Sa pagkakataong iyon, ikinuwento niya na minsan siyang kinausap ni Romeo tungkol sa sitwasyon ng mga kapatid namin. Nagtanong ito ng mga pangalan na nakakatiyak na gumagawa ng ilegal na bagay. 

Nabanggit niya kay Romeo ang mga negosyo at mga ilegal na gawain ng mga Kastila sa lugar namin—ang mga nightclub na puno ng babaeng pinipilit maging mananayaw tuwing gabi, ang pasugalan na kinukuhanan ng buwis ni Don Felidemo, ang drugs na ibinebenta sa mga tao. 

Malakas ang hinala ni Aries na si Romeo ang may kagagawan ng paghuli sa mayamang kastila na si don felidemo lalo na nagpakilala itong taga gobyerno.

 Sa totoo lang hindi ako naniniwala na si Romeo ang may kagagawan nito. Isa lang siyang labing-anim na taong gulang—paano niya mapapahuli ang isang mayamang Kastila na may koneksyon sa buong Cavite? 

Gayunpaman, pinilit ni Aries na tama ang kutob niya dahil sinabi mismo nito kay Aries na gagawa sya ng paraan para matulungan ang mga kapatid ko.

Naguguluhan talaga ako at hindi makapaniwala. Ang totoo, napaka-imposible nitong paniwalaan, ngunit mas pabor sa amin kung totoo ito—lalo na't nasa panganib ang buhay ng mga kapatid ko.

 "Kung siya nga," bulong ko, "baka makaligtas pa sila ate." Dahil tensyunado ang lugar namin dahil na rin may mga sundalo pa rin na nagpa-patrol, na nakahanda na bumalik para hulihin pa ang mga tauhan sa pasugalan at nightclub—napagpasyahan ko na iuwi ang tatlo kong kapatid sa condo na tinutuluyan namin nina lola. 

Kinontak ko si Romeo para ipagpaalam sa gagawin kong pagdadala sa mga kapatid ko sa condo niya, ngunit hindi siya nagrereply. Buong maghapon akong stress, kakaisip sa mga nangyayari. Gusto kong bawiin ang mga Ate ko sa kanila, pumasok sa presinto at magmakaawa sa Gobernador mismo—ngunit kapag nang gulo ako, baka lumala lang ang lahat. 

Kapag kumilos ako nang mali, tiyak hahabulin lang kami ng batas, at maaaring lahat kami ay makukulong. Napakahirap maging ordinaryong Pilipino sa bansang ito. 

Hindi namin ipinaalam kay Lola ang mga nangyayari—binilinan ko ang mga kapatid ko na wag banggitin na nasa kulungan ang mga nakakatanda naming kapatid, para hindi siya ma-stress at bumalik ang sakit niya.

 "Wag niyong sabihin, ha? Para hindi mag alala si Lola," sabi ko, ang boses ay matatag kahit pinanghihinaan na ako sa loob.

 Kinagabihan, magdamag akong nag-abang. Alas diyes na ng gabi, habang nakaupo sa sofa, ang mga mata ko ay nakapako sa pinto. Ang oras ay parang bumabagal kapag hinihintay mo ito, dumaan ang alas-onse, alas-dose, hanggang sumapit ang alas-una ng madaling araw. 

 Ilang saglit pa ay bigla kong narinig ang tunog ng pinto na bumubukas, may sariling sound system ang pinto kapag ang keycard ang ginagamit. 

Nagmadali akong tumayo sa sofa at tinignan kung sino ang pumasok. Kagaya ng inaantay ko, sa wakas ay umuwi na si Romeo mula sa trabaho. Nakasuot siya ng itim na polo na gusot na, ang buhok nya ay magulo na rin at halata sa kanyang mga mata ang pagod. 

 Hindi na ako nag-aksaya ng oras at hinampas ko siya sa braso habang naglalakad sya papasok. "Buti naman at dumating ka na! Bakit ngayon ka lang? Bakit hindi mo sinasagot ang mga mensahe ko?" pag-susungit ko.

 Nagulat siya sa naging salubong ko sa kanyang pag-uwi at napabuntong-hininga na lang. "Teka, bakit parang may nagawa na naman akong mali? Kakadating ko lang." 

Kahit na mahahalata mo ang pagod sa kanya ay nagawa nya parin ngumiti saakin. Pero imbis na huminahon, nagtanong kaagad ako sa kanya kung hindi ba siya marunong gumamit ng cellphone o baka sinasadya niyang hindi ako ire-replyan. 

Napakamot na lang siya ng ulo habang pinapaliwanag na dalawa ang kanyang phone—at hindi niya madalas gamitin ang isa dahil abala siya ng sobra sa trabaho.

 Nagda-dahilan sya na hindi naman nya inaasahan na magte-text ako, kaya hindi nya na ito binuksan ngayong araw.

 "Teka, ano bang problema? Pwede ba papasukin mo muna ako?" sambit niya habang ang mga kamay ay nakataas na parang sumusurrender.

 Humakbang siya pasulong, ngunit bigla ko siyang tinulak at hinila palabas ng pinto, habang sinasabi ko na hindi pwedeng marinig ni Lola ang pag uusapan namin. 

Sa labas ng pinto—sa mismong hallway ng gusali na may malamig at tahimik na paligid—agad ko siyang sinigawan.

 "Tinatanong mo kong anong problema? Hindi ba dapat may sinasabi ka sa akin?"

 Sandaling tumahimik ang lugar sa hindi niya pagkibo, at ilang saglit pa ay nagtanong saakin. "Wala akong ideya sa sinasabi mo? Nakalimutan ko bang magbigay ng pangbili ng grocery?" 

Sa inis ko, bigla ko siyang sinipa sa binti—hindi malakas, ngunit sapat para mapahawak siya. 

"Hindi ako natutuwa sa biro mo!"

 Agad naman siyang nagreklamo sa ginawa kong pananakit at tinanong kung ano ang problema. Nakuha niya pang magbiro:

"Hindi ako manghuhula para malaman ang mga nasa isip mo." Sambit ni romeo. 

"Nakakulong ngayon ang mga Ate ko dahil hinuli sila ng mga sundalo! Kasama silang dinakip nang magkaroon ng raid sa Kawit!" sigaw ko, nagsisimulang tumulo ang luha ko dala ng kalungkutan at takot. 

"Sabihin mo—may kinalaman ka ba doon?" 

Nagbuntong-hininga si Romeo, ang mukha ay seryoso na. "Kung ganun, nagsimula na pala sila. Buti na lang pinagbigyan ako ng Gobernador Heneral." Sambit niya, parang lihim na plano ang natapos. 

"Kung ganun, totoo na ikaw talaga ang nagpakulong sa mga Kastila? Nasisiraan ka na ba?" sambit ko, hindi makapaniwala.

 Sinabi niya na hindi magiging madali ang paghuli sa katulad nilang mayayaman—at nakakasiguro siyang ikalawang araw lang ay makakalaya na ang mga ito, ngunit sisiguruhin niyang mananagot sila.

Agad akong nagtaas ng boses: "Hindi mo pwedeng gawin ito! Siguro nga mahuhuli niyo ang mga Kastila, pero madadamay ang mga Pilipinong naging mga tauhan nito!"

 Sumang-ayon naman siya: "Totoo, madadamay sila dahil sangkot sila sa mga ilegal na gawain at kailangan managot sa batas." 

Nagalit ako sa narinig ko sa kanya at hinawakan ang damit niya para ilapit sa akin—ang kwelyo ng polo niya ay nalukot dahil sa mahigpit na pagkakahawak ko.

"Nakakulong ang mga Ate ko dahil sa'yo at maaaring maparusahan! Ito ba ang sinasabi mong pagtulong?" Galit na sambit ko. 

 "Huminahon ka. Kung wala naman silang ginagawang ilegal, ay makakalaya sila. Sinisiguro ko 'yan sa'yo," sagot niya, kalmado ngunit matatag. 

Bigla akong napatigil, at sa hindi maipaliwanag na pagkakataon, nagawa kong masuntok siya sa mukha—ang kamao ko ay tumama sa pisngi niya nang malakas dahilan para mapaatras ito. Nagagalit ako sa kanya sa ginawa nya, hindi ko maunawaan ang takot na naramdaman ko ng marinig ko ito. Ilang saglit pa tuluyan ng pumatak ang mga luha ko sa mata at nagsimulang dumaloy sa mga pisngi.

"Wala kang alam sa nangyayari sa amin! Tauhan ng mga Kastila ang mga kapatid ko at pinagbebenta sila ng mga droga sa mga kliyente nila!"

" Binebenta ng mga ate ko ang mga droga pati ang mga sarili nila, nauunawaan mo ba ang ginawa mo saamin? " 

Ipinaliwanag ko sa kanya na hindi inosente ang mga ate ko dahil kailangan nila sumunod sa mga kastila, Sampung taon nang lubog sa utang ang mga kapatid ko—dahil sa upa sa apartment na hindi nababayaran, pagpapagamot kay Lola na halos libo libo ang gastos para sa maintenance ng gamot.

Wala silang pagpipilian kundi sumunod sa utos ni Don Felidemo. "Kahit mahuli nila ang mga Kastila, walang ibang magdurusa dito kundi ang mga Pilipinong naging alipin nila sa mga negosyo nila!" sigaw ko. 

"Gusto lang namin mabuhay kasama ang mga mahal namin sa buhay, pero hindi kami binibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng disenteng pamumuhay sa bulok na bayan na ito!" 

Muli ko siyang hinawakan sa kwelyo at galit na sinabihan: "Sabihin mo, paano na kami ngayong nakakulong na ang mga Ate ko? Paano na ang pangarap nila para sa mga kapatid namin? Sabihin mo kung paano na kami mabubuhay ng masaya?!"

hindi ko mapigilan na umiyak nang walang tigil sa harap nya, Sumasakit ang dibdib ko sa galit at takot sa mangyayari saamin. Habang nagagalit ako, nakatayo lang si Romeo at walang imik. 

Bakas sa mukha niya ang matinding kalungkutan—napakalungkot ng mga mata nya habang nakatingin saakin, namumula ang kanyang pisngi dahil sa suntok ko. Alam ko na hindi ko naman siya pwedeng sisihin nang todo dahil totoo naman na sangkot ang Ate ko sa mga ilegal na gawain na kailangan hulihin ng batas. 

Ngunit hindi ko kayang tanggapin na lang ito,ang sakit sa dibdib ko ay halos hindi mawala. Napasandal ang ulo ko sa dibdib niya habang patuloy akong lumuluha, iniisip ang kalunos-lunos na kalagayan na sinapit ng mga kapatid ko.

 Ramdam ko ang tibok ng puso niya, hindi ko alam kong bakit pero parang akin—ang init ng katawan niya ay nakakapagpagaan ng kaunti sa sakit na nararamdaman ko. Galit ako sa kanya pero nakatatak na saakin puso na sya lang ang pwede kong masandalan sa pagkakataon na kagaya nito. 

Gusto kong maniwala na ang lalaking pinagkakatiwalaan ko ng lubos at laging nandyan kapag may problema ako na muling makakatulong sa amin.

Habang nakasandal sa kanya, bigla niyang hinawakan ang ulo ko at hinaplos ang buhok ko. Hinawakan nya ang pisngi ko para itaas nang dahan-dahan dahilan para mapaharap ako sa kanya. 

 Kinuha niya ang panyo mula sa bulsa nya para punasan ang luha ko sa mga mata, ang magaan na haplos nya sa pisngi ko ay nagpagaang sa pakiramdam ko.

"Alam ko na mahirap para sa inyo ito," bulong niya, ang boses ay puno ng pag-unawa. "Hindi biro ang mga susunod na haharapin ng pamilya mo, pero ito ang dapat mangyari. Kapag hinayaan natin na manatili silang alipin ng mga Kastila, habang-buhay na silang mapapako sa ganung klaseng buhay." 

Nagbuntong-hininga siya at hinawakan ang mga balikat ko nang mahigpit. 

 "Hindi magiging madali ang magiging laban nyo para makuha ang maayos na buhay, ngunit hindi pa huli ang lahat. Nung sinabi kong gusto ko kayong tulungan na mabago ang buhay niyo, seryoso ako doon. Kinakailangan mong magtiwala sa akin."

Ang mga salita nya ay labis na tumatak sa isip ko. Napakalma ako nito ng kanya mga sinabi. Para bang ang mga salitang iyon ang kanina ko pa gustong marinig mula sa kanya. Alam ko masyado na akong nakadepende sa kanya pero sobra akong umaasa na totoo ang mga pangako nya.

Ilang saglit pa ay bigla niyang ininda ang sakit ng kanyang mukha na ngayon ay namamaga dahil sa suntok ko.

 "Pwede ba, Adelina? Hindi mo naman ako kailangang sapakin tuwing nagagalit ka." 

Agad akong nagpanic at humihingi ng pasensya sa nagawa, ang mga kamay ko ay nanginginig habang hinahawakan ko ang pisngi niya. 

"Pasensya na! Sobra lang akong nagalit dahil nag-aalala ako sa mga kapatid ko." 

Bigla naman siyang bahagyang tumawa,maikli pero tila may pang aasar. 

"Oh, bakit? Anong nakakatawa?" tanong ko habang nagtataka.

 "Wala, alam mo, kahit sa panaginip hindi ko naisip na balang araw ay may babaeng magagalit at susuntokin ako pag-uwi ko ng bahay. Daig mo pa ang bungangerang asawa," pagbibiro niya, ang mga mata ay nagliilapit sa akin nang may paghanga.

 Nakaramdam ako ng hiya at naisip na mali ang ginawa ko sa kanya. Agad akong humingi muli ng pasensya at pinilit na hindi ako isang bungangerang babae.

 Gusto ko pa siyang awayin, ngunit napatigil ako nang makita ang napakagandang ngiti sa kanyang mukha—ang ngiting yun ay parang sinag ng araw, puno ng init na dumating sa puso ko.

Hindi ko alam kung bakit ganito ang nararadaman ko, biglang lumakas ang pagtibok ng puso ko habang pinagmamasdan siya sa mga sandaling iyon.

 Parang biglang huminto ang pag galaw ng oras sa mundo ko at kami lang dalawa ang naroon. 

Pagkatapos nito, inaya na lang niya akong pumasok sa loob dahil gusto niyang kumain—hindi pa siya kumakain ng hapunan, inaasahan niya na may inihanda ako ng pagkain pag-uwi niya. 

Pumasok kami nang dahan-dahan sa unit at sinara ang pinto nang mahina para hindi magising sina lola. Inasikaso ko sya kagaya ng dati at pinagsaluhan ang maikling gabi ng aming maikling kwentuhan. 

End of chapter. 

More Chapters