Bigla akong pumunta sa ospital kung saan sinugod si Wendell kasama si Emman. Bumungad sa min sa labas ng kwarto ang iyak nang iyak na gf ni Wendell, si Rowena.
"Nung umaga, akala ko simpleng lagnat lang siya na dapat ipahinga. Kaya pinuntahan ko sya sa kanila para kamustahin. Nabigla ako nung makita sya na nagsasalita mag isa at namumuti na ang mata. Nagulat pa ko lalo nung makita ko ang bula na lumalabas sa bibig nya. Nagmamadali ako tumawag sa ambulansya at buti nasugod pa sya dito sa ospital." sabi ni Rowena.
"Kamusta na kalagayan nya ngayon?" tanong ko.
"Kanina nung sinugod sya dito mukhang okay naman na sy...."
Nagbukas ang pinto ng kwarto kung saan sinugod si Wendell at lumabas na ang doctor kaya naputol sa pagsasalita si Rowena dahil napatingin rin sya dito.
"I'm sorry ma'am, ginawa na po namin ang makakaya namin pero sa kasamaang palad patay na po ang pasyente." malungkot na balita ng doctor.
Napaluhod bigla si Rowena sa sahig habang kami ni Emman ay hindi makapaniwala sa nangyari. Isang SL lang ang nangyari kay Wendell na tumapos sa buhay nya. Sinabi ng doctor na heart attack ang kinamatay ng pasyente pero bakit ganun may pag lagnat at pagbula ng bibig. Sabi ng doctor di rin nila makita ang dahilan ng lagnat at pagbula ng bibig kaya nagtataka rin sila bakit sa puso ang tama ng pasyente. Tulala ako sa nangyari, di ako makapaniwala na nawalan ako ng isang kaibigan. Pinaalam na lang namin ni Emman ang nangyari kay Wendell sa group chat namin sa messenger. Nalungkot ang lahat sa nangyari pati ang TL namin na umaasa na babalik pa sa trabaho si Wendell bukas. Dumating na yung ibang kamag-anak ni Wendell at Rowena at sila na ang nagasikaso. Pinauwi na rin kame dahil may trabaho pa bukas. Umuwi kaming malungkot ni Emman at hindi makatulog ng maayos ng gabing yon dahil sa nangyari. Halos isang linggo kaming team at mga kaibigan nagdalamhati dahil sa pagkamatay ni Wendell. Hanggang libing ay iyak kame ng iyak. Di kame makapaniwala sa nangyari.
Kinabukasan, maaga ulit akong pumasok sa office. Nag aayos na ko sa locker ko nang mapansin ko na parang bukas yung locker ni Wendell since halos limang locker lang ang pagitan namin. Tiningnan ko lang yung locker ni Wendell at inaalala yung mga panahon na halos sabay kame pumasok dahil pareho kameng maaga pumasok. Bigla na lang nagbukas sara at nagbukas sara yung locker ni Wendell ng di ko maintindihan. Walang ibang tao sa locker area nung mga oras na yun kaya medyo kinabahan ako sa nangyari pero inisip ko rin na baka sira lang yung locker ni Wendell at nakalimutan nya isara noon kaya nasira. Ganun pa rin yung pagsara at pagbukas ng locker ni Wendell habang papalapit ako ng dahan-dahan. Bumilis yung pagsara at pagbukas ng locker hanggang sa padabog ng malakas itong sumara. Medyo napapikit ako sa pagkagulat ngunit nang pagdilat ko ay nakasara na ang locker ni Wendell. Di na ulit ito bumukas di tulad kanina. Nagtaka lang ako habang papaalis sa locker area dahil parang wala rin namang hampas ng hangin kanina kaya di ko maintindihan ang pagbukas at pagsara ng locker ni Wendell.