Di ako pumasok ng isang araw sa trabaho. Nagpanggap na lang ako na masama ang pakiramdam at nandyan naman si Rene para icover muna yung iba kong trabaho. Medyo may trauma pa ako sa mga nangyari. Eto yung kauna-unahan kong makakita ng ganoong elemento. Lumabas muna ako sandali para bumili ng gamot kahit ang gusto ko lang ay makapag isip isip muna sa mga nangyari. Pumunta muna ako dun sa may malapit sa Park kung saan pwede tambayan ng kahit na sino. Matanda, bata pati mga alaga nilang hayop pwede dun. Bandang hapon iyon 2pm at naka tambay lang ako sa isa sa mga pwedeng upuan dun sa may Park. Wala namang medyo kakaiba nang bigla akong may naaninag na pamilyar na nilalang sa di kalayuan.
Nanlaki ang mata ko nang makita ko na yun ang babaeng nakita ko sa Room E dun sa nilayasan ko na studio apartment. Ngunit bakit parang may kakaiba dahil yung mga kilos ng mga tao sa paligid ay parang nag slow motion na para bang may pwersa na pumigil sa kanilang galaw. Pitong metro ata ang layo nya at mukhang sakin sya papalapit nang papalapit. Sobrang bagal pa rin ng galaw ng mga tao at bagay sa paligid na parang wala silang pakialam na may papalapit na sa king demonyo! May hawak pa rin na kutsilyo ito kagaya nung hawak nya nung nasa Room E na sya. Gusto ko sumigaw at humingi ng tulong pero walang boses na lumalabas sa bibig ko sa ngayon. Kahit anong sigaw ko ay parang walang boses at sige pa rin sa slow motion ang mga tao at bagay sa paligid ko. Papalapit na ang babaeng yan at sa isang iglap ay isinaksak nya ang dala nyang kutsilyo sa ulo ko, sa bandang noo. Nagmanhid ang ulo ko at umagos ang dugo sa ginawa nya na pagsaksak. Tanghaling tapat pero may ganitong demonyo na pumapatay. Unti-unting nanlabo ang paningin ko at bumagsak ako sa kinauupuan ko.
Pagdilat ko ay hapon na at malapit na mag gabi. 5pm na pagtingin ko dito sa cellphone ko. Sabi ko na nga ba at bangungot na naman ang nangyari sa kin. Wala namang dugo sa noo ko. Pero naaalala ko pa yung mga nangyari kanina. Sobrang sakit lang ng kanang braso ko sa pagkakabagsak kanina. Akala ko mamamatay na ko. Tumingin ulit ako sa messenger ko at nagulat ako sa chat ni Rene sa kin kanina habang natutulog ako. Yung owner daw ng apartment na may nagmumulto, aksidenteng nasagasaan ng truck kaninang 2pm at di na nakilala dahil nagkalasog lasog ang katawan. Medyo nanghina ako sa nabalitaan ko. Mukhang malas nga yung apartment na yun at umabot na yung kamalasan sa may-ari. Naisipan ko na umuwi at baka nakauwi na rin si Rene. Nandito pa naman sa bulsa ko yung binili kong gamot para kunwari may sakit nga ako. Pag-uwi ko sa bahay nila Rene ay nakakapagtaka na di pa rin bukas yung ilaw. Medyo madilim na ang paligid pero parang iba ang aura ng bahay ni Rene. Pagpasok ko ay wala akong maaninag dahil sobrang dilim buti na lang alam ko kung saan yung switch ng ilaw kaya kinapa ko ito ngunit sa kasamaang palad ay wala pa ring ilaw kahit iswitch on ko yung switch. Naglakad ako ng kaunti mga isang metro at bigla akong nadapa pero naitukod ko ang kamay ko sa sahig pero parang may malagkit na kung ano ako na nahawakan. Gumamit na lang ako ng flashlight at nagimbal sa mga nakita ko. Mga nakahandusay na kamag-anak ni Rene. Yung asawa nya at dalawang anak lahat may nakasaksak na kutsilyo sa noo nila at wala ng malay. Tumingin ako sa palad ko at lalong natakot dahil ang malagkit pala na nahawakan ko kanina ay mga dugo pala ng kamag-anak ni Rene. Nanlaki lalo ang mata ko ng pagtapat ko sa kusina ay nakatingin sa kin ang pugot na ulo ni Rene na may saksak din na kutsilyo sa noo. Sinong may gawa ng karumal dumal na krimen na ito? Nasa gitna ako ng bahay nang makita ko na may mga tao na papunta sa loob. Di ako makagalaw habang nakaluhod dahil sa takot sa mga nakita ko pero bigla ko narinig ang boses na...
"Tao po nandyan po ba si Rene? May nagreport na kapitbahay sobrang ingay daw dito. Pwede po bang malaman anong problema?" alam kong boses yun ng Barangay Captain.
Pagtutok sa kin ng flashlight ay nagkagulatan kami. Kita nila ang duguan kong pang ibaba dahil nadapa ako kanina at nakaluhod na ngayon sa sahig. Kita rin nila ang mga dugo sa kamay ko. Oo, alam ko na ang iniisip nila. Alam kong iisipin nila na ako ang pumatay sa mga taong ito pati kay Rene. Pano ako na set up ng ganito? Sa sobrang taranta ay tumakbo ako hanggang sa matulak ko ang tatlong nasa harap ng pintuan, napatumba yung dalawa habang napaurong si Kapitan.
"Hoy tumigil ka, magpaliwanag ka anong nangyari dito?" sigaw ni Kapitan na may pagbabanta.
Hindi na ko nakinig at takbo ako ng takbo hanggang sa makakaya ko. Wala na rin akong pake sa mga gamit ko na naiwan sa bahay ni Rene. Sigurado akong ako pagbibintangan ni Kapitan na pumatay sa mga taong yun dahil sa dugo sa kamay ko na nakita nila kanina at marami rin dugo yung pang ibaba ko dahil nga nadapa ako. Ano na tong nangyari sa buhay ko. Sa pagmamadali ko ng takbo ay di ko namalayan ang humaharurot na truck ng basura sa may bandang kanan ko tatlong metro na lang ang layo nya at wala na ko nagawa at na estatwa na lang ako sa kinatatayuan ko. Sa sobrang lakas nang pagkasagasa sa kin ay tumilapon ako ng pagkalayo layo sa kalsada at di ko alam kung ilang ulit nag paikot ikot ang katawan ko. Naririnig ko rin ang mga buto ko na nagkakabali bali. Biglang namanhid ang katawan ko na nakatingin sa may daanan, alam kong dugo ko ang umaagos na yun sa daanan. Maraming tao na ang nagsidatingan sa lugar kung nasaan ako. Lahat sila nagaalala ang tingin. Di ako makagalaw at di ko maisip na ganito pala sasapitin ko sa Manila kahit buong buhay ko pamilya ko ang iniisip ko. Kung di lang sana ako tumingin sa butas na yun sa apartment ay di ako mamalasin ng ganito. Tumutulo ang luha ko habang binabalikan sa alaala ko ang mga nakaraan namin ng asawa ko simula nung una ko pa syang makilala sa probinsya hanggang sa naging mag-asawa kami at nagkaanak. Unti-unti na nanlalabo ang paningin ko dahil alam kong katapusan ko na. Minsan talaga hindi mo masasabi ang buhay kung kelan ka na lang kukunin. Marami pa kong gustong gawin at plano para sa pamilya ko ngunit hindi ko na magagawa dahil bigla na lang ako dito sa Manila ay nasawi. Paalam na sa inyo mga mahal ko sa probinsya. Nagmamahal, Ernesto.