LightReader

Chapter 2 - Ang Thallerion

Ang gunita ng kahapon ay tahimik narin sa isip ng mga tao. Gayun paman, taos pusong nagpapasalamat sa kanya ang buong Thallerion dahil nahimuk niya ang tagumpay; masaya ang lahat dahil naibalik na ang lahat ng inagaw ng mga Moonatoria. Higit pa doon, ang bawat sundalo ng mga Moonatoria sa bawat distrito kasama ng mga mersenaryo doon sa distrito ng Bellatrix ay pinalayas ng walang bitbit na anumang pagmamay-ari nila. 

Sa huli, hinirang na hari si Xerxez ng mga konseho na pinamunuan ng mga magulang ni Matheros. Doon na nagsimula ang pamumuno ni Xerxez, ibinuhos niya ang kanyang buong lakas at kaluluwa upang magsilbing huwarang hari ng buong Thallerion. Lumakas ang hukbo ng sandata at kinilala ng ibang bansa ang kanyang husay at galing sa paggawa ng taktika. Marami ang bumibisita sa thallerion para humingi ng pangaral ni Xerxez, kaya mula noon nakilala pa si Xerxez ng maraming bansa..

Naiwagi man niya ang labang iyon, ngunit may malalim na hininga ang hinuhugot niya mula sa kanyang kaibuturan. Paano magiging masaya ang bayani na kinilala ng Thallerion; tila isang sigaw sa puso niya ang walang makarinig—nag-iisa na lamang siya. Ang mga mapupungay niyang mata ay umiikot sa dating upuan ng kanyang ama, maging ang silid niya'y nawalan na ng boses na dati ay binubusog iyon ng tinig ng kanyang ina. 

Napagtanto ni Xerxez kung gaano siya binabalot ng mabigat na katutuhanan nang makita ang sarili sa salamin, totoong makisig ang kanyang katawan, matipuno at matikas ngunit nang masdan niya ang kanyang sarili—wala siyang kasama; kundi ang sariling repleksyon lamang sa salamin. 

At isang gabi, binangungot si Xerxez ng isang panaginip: mula sa malayo na kanyang kinatatayuan, isang nakakatakot na liwanag ang tumama sa kalangitan at nawasak ang langit, at ang nakakatakot na mukha ng halimaw ay sumilip!

***

Ang Thallerion 

Si Xerxez na hari ng Thallerion ay nakatayo sa nakausling palapag ng palasyo, minamasdan ang mga distrito sa malayo habang maginhawang iniisip ang unti-unting pag-unlad ng kaharian; kahit sa kabila ng mga nangyaring digmaan noon natuto paring bumangon ang Thallerion. Ang mga sementadong daanan ng palasyo ay masuyong nilalakbay ng mga mata ni Xerxez; ang matuwid na daanan ay napakahaba at maraming tao ang kalmadong dumadaan sa plaza ng Bellatrix patungo sa Distritong Betelgeuse. 

Natatanaw ng mga tao sa hindi kalayuan ang mataas na palasyo ng Thallerion na tumutusok sa kalangitan. Ang pintuan naman na may mga nakadikit na metaliko, sa tuwing bubungad ang araw kumikinang ito na parang pilak. Ang makapal na tabla ng pintuan ay may nakaukit na simbolo ng mga mandirigma; sa kapal nito kahit ang sandata ni Hedromus na kayang hatiin ang puno hindi tumalab sa pintuan ng Thallerion. Sa sobrang tibay, tinawag iyon ng marami— ang kalasag ng Orion.

Araw-gabi, merong gwardya na nakatayo sa pintuan sa magkabilang gilid na nagbabantay habang suot ang dignidad ng Thallerion. Matikas ang dalawang dambuhalang statwa na merong espada na hinahawakan at nakaharap sa silangan, saksi sa pag-unlad ng Thallerion.

Sa tuwing bumibisita ang mga tao kay Xerxez, lalakbayin nila ang kasaysayan ng Thallerion mula sa henesis ng Thallerion, hanggang sa kung paano nakilala ng ibang bansa ang mga mandirigma na sumisigaw ng pangalang Thallerion. Pinapakilala ng larawan kung gaano katapang ang mga lahi na pinagmulan ni Xerxez sa mga tao na galing sa iba bansa. Ang mga pinuno dati na nag-angat ng mga pader para sa matibay na pundasyon, ang mga dating hari at reyna na bakas sa mga ngiti ang mga tagumpay na kailanman hindi na mabubura. 

Sa ibang bahagi, pinagyayabang naman ng pader ang mga sandata ng mga yumaong hari at mga bantog na mga mandirigma ng Thallerion. Ang makintab na gawa sa marmol na bulwagan ng palasyo at ang silid ng trono ng hari na malawak, pinupuno iyon ng malumanay na musika na inaawit ng mga kuwerdas, habang ang mga panauhin ay nakikinig sa mga aral ni Xerxez.

Ang bubongan ng palasyo ay merong prestihiyosong chandelier na gawa sa mga gabutil na mga kristal na kahawig ng diyamante. Ang upuan ni haring Xerxez ay merong statwa ng mandirigma na nakatayo ang sandata na merong mga hiyas na nakadikit sa ulo ng espada. At sa paanan nito ang malambot na parang balahibo ng liyon na kulay kayumanggi ay nagpapakita ng mahabang dekada ngunit parang sariwa parin ang mga paa ng mga dating hari na nakayapak doon. 

Nakasuot si Xerxez ng asul na marilag na damit panghari, gawa sa makinis na seda at pinalamutian ng mga linya ng Orion, ang kanyang matayog na balabal na simbolo ng kanyang kabayanihan at ang paha ni Xerxez na nagpapakita ng kanyang tagumpay sa mga digmaan, merong mga mamahaling hiyas na nakadikit. Tanging ang magmamana lamang nito ay ang mga bayaning hari na naging matagumpay na masupil ang mga kalaban. Ngunit nanlulumo ang mga mata ni Xerxez, sapagkat hindi iyon nasuot ng kanyang ama nang naghahari pa iyon sa Thallerion.

Ang bansag na Orion ay naging ulo sa unahan na pantakot sa mga umuusig na bansa, pero mas pinipili ni Xerxez na iwasan ang ganung kaisipan; lalo na iniisip ng mga tao na ang bansang Thallerion ay nagdudulot ng di maiwasang digmaan. 

Sa tuwing may pagkakataon, personal na naglilibot si Xerxez sa Apat na Distrito ng lungsod upang kumustahin ang mga tao, ang kanilang kalagayan upang maresolba ang mga suliranin sa kaharian at sa mga mamamayan ng Thallerion.

 Sa pagbukas ng pinto ng palasyo, sinalubong si Xerxez ng mga sundalo na may marilag ang kasuotan, mga kasuotan na may palamuting ginto. Nakasulat sa mukha ni Xerxez ang ngiti nang makitang nakatayo at naghihintay ang kanyang puting kabayo para sa paglilibot sa buong distrito. Gayunpaman, ang Distritong Betelgeuse, nakatayo ang palasyo bilang sentral na pamahalaan na sumasagisag sa puso at pamumuno ng mga hari. Nakatayo ang mga mahahalagang konseho habang minamasdan si Xerxez sa paglabas sa palasyo, pati ang ilang ministro ng kaharian na madalas kausap ni Xerxez para sa mga mahahalagang bagay, pang-ekonomiya man o pangsistema ay nakaguhit ang payapang mukha sa kanilang mata.

Pinagmamasdan ni Xerxez ang mga nakasabit na parihabang bandila na makintab na gawa sa seda na kulay asul at pula. Naisip tuloy ni Xerxez na dapat palitan na iyon ng bagong simbolo ng Thallerion upang matigil na ang patuloy na pag-iisip ng mga tao sa katagang—hindi maiiwasang digmaan. Nakadikit ang mga bandila sa mga pader ng gusali at maging sa palasyo na may emblema ng Orion—ang mandirigma na magaling sa pakikipaglaban! 

Sa kanilang paglalakbay, ang mga tao na kanilang makakasalamuha ay isinasabit ang ngiti kay Xerxez. Inabot man sila ng ilang minuto bago sila nakarating sa pangalawang Distrito—ang Rigil, umaapaw na ang saya sa puso ni Xerxez. Malayo pa lang, rinig na rinig na nila Xerxez ang dagundong ng mga kabayo at sigaw ng mga sundalo doon sa malapad na marsahan na merong iisang kilos ang bawat isa, matikas ang kanilang tindig at ang yabag nila ay parang malalim na palakpakan sa mukha ng lupa. Sa entablado, nakatayo ang isang punong komander na si Matheros habang malawak ang abot ng mga mata nito at maging ang presensya nila Xerxez ay kanya rin napansin.

"Maligayang pagdating sa Distrito ng Rigil, Mahal na hari." Salubong ni Matheros nang bumaba si Xerxez sa puting kabayo na may mga kasamang gwardya at katulong sa paglilibot. "Narito ang mga kawal ng Thallerion, anumang oras pwede natin sila ipadala sa digmaan." Sabi ni Matheros, habang inaayos ang espada sa lalagyan. Napahinto ang mga sundalo at yumuko kay Xerxez sa kanyang pagdating.

"Iwasan na rin natin ang ganyang kaisipan. " Sabi ni Xerxez, iniisip kasini Xerxez, ang ganung ideya ay makakahikayat lamang ng konsensya ng digmaan, kaya tumango si Matheros bilang pagsang-ayon. Kuminang ang maliit na bakal na pistola sa baywang nito na nakita naman ni Xerxez kahit sa isang kurap lang. Matangkad si Matheros kaysa kay Xerxez, malaki din ang katawan at malaman ang dibdib; mataba ang kanyang boses ngunit matapang pagdating sa pamumuno ng mga kawal— maamo naman kapag si Xerxez na ang kanyang kaharap.

"Halika, doon tayo sa pasilidad ng pagawaan ng mga sandata." Anyaya ni Matheros, kumakaliling ang mga palamuti sa baluti niya nang siya ay maglakad, isang baluti na may mataas na antas ng pagiging pinuno ng mga sundalo sa lahat ng mga pinuno sa Thallerion. 

Sa unahan, nakita ni Xerxez ang mala-Blumentritt na kulay ng bubong ng pasilidad na merong walang tigil na pagpukpok ng matigas na bakal mula sa loob. Ang mga manggagawa ay napatigil sa ginagawa at bahagyang yumuko nang pumasok sila Xerxez.

Malamig ang silid na iyon nang pumasok sila Xerxez sa pagawaan ng mga sandata ng Thallerion; ngunit, nang suminyas si Xerxez upang magsimula ng magtrabaho ang mga manggagawa, bumulwak ang langasngas ng mga makina, ang tuloy-tuloy na hampas at lagapak ng mga turnilyo sa tuwing pinapaikot ang makina, at ang nakakangilong mga lagare na ginagamit sa pagputol ng mga troso. Nakita din Xerxez na sinasalangsangan ng mga malaking troso ang pugon at ang mga uling nito ay naglalagitik sa init na nagtutunaw sa kasangkapang bakal para hulmahin. 

Ramdam ni Xerxez na mainit iyon sa balat ng mga manggagawa na malapit sa pugon. at ang tunawan ng mga bakal na ibinubuhos sa hulmahan ay parang niluwa ng bulkan. At ang umiikot na bato na hasaan ang nagpapakinis ng talim ay matulis ang ingay. Kapansin-pansin ang pawis na tumatagaktak sa katawanan ng mga manggagawa habang nagmamartelyo ng nagbabagang bakal na lumilikha ng mga aninipot sa bawat paglapak ng martilyo. Ang bawat hulma nito, kasikatan ang pwedeng ibigay sa mandirigma tulad ng mga sandata ng mga dating hari na ipinagyayabang ng Thallerion sa mga bagong Henerasyon. Umaalingawngaw ang bawat hampas ng martilyo sa labas ng pasilidad na parang tugtog ng drum sa tenga ng mga sundalong nagsasanay.

Naaamoy din ni Xerxez ang mga pulbura na ginagawa ng mga trabahador doon sa sulok na inilalagay sa bilog na bakal na maingat na tinatrabaho ng mga manggagawa.

Pumunta naman sila sa imbakan ng mga sandata, makikita ni Xerxez ang mga espada na nakabitin sa pader, mga sibat na parang poste na nakatayo sa gilid. Ang mga helmit na parang mga bungo na nakaharap lang Xerxez na nakalagay sa lalagyan. Makintab ang palamuting bakal sa mga kalasag na nagpainggit sa mata ni Xerxez kaya naman pinitik niya ito ng daliri na kumakalatog sa tibay.

"Kumusta ang mga bagong bili na mga sandata?" Sabi ni Xerxez, habang sinuri ang mga punyal sa nakadikit sa pader, at hinahanap ang mga mukha ng mga baril doon sa silid na yon.

"Maganda ang kalidad na ibinigay ng bansang Thartherus." Sabi ni Matheros na bahagyang sumilip sa bintana at tiningnan ang mga sundalo na hinahakot ang mga mabibigat na kahon papunta sa kabilang headquarter. "Ang ilan sa mga baril ay nasubukan nila Heneral Phalleon...ayon sa ulat nila, wala iyong depekto." Nakaguhit sa mukha ni Matheros ang kanyang positibong pananaw sa mga nabili ni Xerxez na sandata. Si Matheros ang itinuturing na parang matandang kapatid ni Xerxez kahit na hindi sila magkapatid, handang gawin nito ang lahat, hindi lamang mapahamak si Xerxez. Kahit noong nagdesisyon si Xerxez na hamonin ang haring si Hedromus, hindi iniwan ni Matheros sa ere si Xerxez ng mag-isa. 

"Ang tungkol naman sa mga armas na galing sa Vhorlandrus. Noong nakaraang Linggo pa iyon inihatid , hindi ba?" Lumapit si Xerxez sa mga pulbura at para siyang mapapabahing sa lakas ng aroma nito.

"Maingat nila na inilagay sa ligtas na lugar ang mga pampasabog na iyon, hindi pa naman na subukan... Pero sa palagay ko malakas ang mga iyon kumpara diyan sa mga ipinapagawa natin dito sa Thallerion." Nakita ni Matheros na sinusuri ni Xerxez ang kalidad ng pulbura at ang mga natapos na bilog na pampasabog sa gilid.

"Kung ganun, magpapadala tayo ng mga tauhan na mag-aaral sa paggawa ng mga pampasabog sa bansang Vhorlandrus." Sabi ni Xerxez at tumayo ito at linibot ng mga mata ang buong silid.

Bumili si Xerxez ng mga karagdagang armas tulad ng kanyon na mula din sa Vhorlandrus at ang mga baril na mula sa bansang Thartherus na merong maganda desinyo, ang ipinagmamalaki ng likha ng arkitektura ang mahabang ilong na baril at kayang pumutok ng limang beses na sunod-sunod. 

Sa labas, ang mga kanyon na malaki ang katawan na kayang-kaya magtapon ng bomba sa malayo ay nakatayo na parang mga sealion na nakadungaw sa silangan. Ang artilirya na binili mula sa Peronica ay mahusay na binuo at bawat parti nito ay maayos na ginawa na may kahawig ng phoenix na ibon.

Ngunit ibinilin parin ni Xerxez na hindi dapat makalimutan ng bagong henerasyon ang paggamit ng mga sanda, at pagsasanay sa paggamit iba pang mga kagamitan ng pandigma. Subalit naintindihan ni Xerxez na umuunlad ang takbo ng panahon kaya kailangan din ng Thallerion na tanggapin ang makabagong paraan ng digmaan. Sa puntong ito, ang mga imbentor at manggagawa ay abala sa paggawa ng spesyal na armas. Ang paggawa ng mga baril at mga pangpasabog ay layunin ng Thallerion para maging handa ang lahat ng kawal sa anumang banta na paparating sa hinaharap ng Thallerion—kahit na ang ideya ni Xerxez ay maiwasan ang digmaan.

Dumiretso sila Xerxez sa Distrito ng Bellatrix, kung saan nakatuon dito ang kalakalan, komersiyo, at industriya ng mga negosyo, na may mga palengke at mga gilda ng mga mangangalakal, ngunit naimpluwensyahan na ito ng mga mersenaryong Moonatoria. Dito nagaganap ang tagpuan ng mga mamamayan ng Thallerion para sa kalakalan at bilihan, at madalas matao sa lugar na ito kaya maraming nakakaaliw ng mga gawain. Madalas kapag gusto ni Xerxez na maaliw, nag-iikot siya sa lugar na ito upang mamasyal at obserbahan ang mga tao.

"Hindi parin kumukupas ang ganda ng plaza ng Bellatrix." Sabi ni Xerxez sa isang lalaki na namamahala sa kaayusan sa plaza na si Echerg. Makikita ni Xerxez ang mga tendera na mahaba ang palda at makulay ang kanilang ngiti katulad ng kanilang suot na damit sa kanyang pagbisita sa plaza. 

"Kamahalan, mabuti nakapaglibot kayo sa distritong ito...Tamang-tama po, maihahayag ko ang mga saloobin ng mga tendera. Nagkakaubusan po ng suplay dito sa palengke dahil hindi masagana ang produksyon ng mga magsasaka. Ayon naman sa aking pagsisiyasat, napag-alaman kong, ang mga magsasaka ay nag-aagawan sa lupain ng Wendlock." Sabi ni Echerg na napakaseryoso ng mukha. Tumango si Xerxez at tumingin sa kanyang personal na taga-ulat.

"Ang Wendlock." Sabi naman ng isang taga-ulat ni Xerxez. "Mahal na hari... totoo po iyon, ang ilan sa mga magsasaka natin ay umaasa sa lupaing wendlock, dahil iyon lang ang matabang lupa na pwede pagsakahan... Kaso ang problema.." sabi ng taga-ulat na si Aghero. May hawak siyang malapad na kalatas o inkripsyon na may talaan ng mga nagaganap sa Thallerion. Tahimik lamang si Xerxez na nakikinig habang naglilibot sa asul na tubig at naglalaro ang mata sa umaagos na fountain.

"May mga ossibian na naninirahan doon at inaagawan ng pwesto ang ating mga magsasaka pati ang ilan sa naninirahan doon na kasapi ng Thallerion ay sinasabing lumalala na raw ang agawan sa lupa." Salaysay pa ni Aghero.

"Sa ngayon ang masasabi ko lang... Sa atin ang Wendlock, dapat alam iyon ng mga ossibian." Sagot ni Xerxez. "Magpadala kayo ng representante para sa gaganaping pagpupulong bukas, nais kong nandoon ka din Echerg." Tumango din si Echerg at nakinig kay Xerxez. "Gulo ang pinasok ng mga Ossibian!"

Naaalala pa ni Xerxez ang mga panahong hinihila siya papalayo sa Thallerion upang tumakas sa pananakop ni haring Hedromus. Ang Wendlock ang naging tahanan ng mga Thallerion na nawalan ng karapatan. Nang mapaslang ang mga magulang ni Xerxez, kasama si Xerxez na tumakas papunta sa kagubatan ng Wendlock ng mga kamag-anak. Ang lupaing iyon ang nag-alay ng oras para kay Xerxez, kasama niya si Matheros na umalalay at nagturo sa kanya kung paano lumaban. Sabay silang nangarap para sa kinabukasan ng Thallerion noon. Ang kanyang mabuting ehemplo kay Xerxez ang dahilan kung bakit hinarap ni Xerxez ang mabagsik na Oso ng Moonatoria. Kung hindi dahil sa Wendlock wala sanang Xerxez na maghahari sa Thallerion ngayon, at hindi sa buhangin isinulat ni Xerxez ang kabutihang naitulong ni Matheros—kung sino man ang totoong bayani sa mata ni Xerxez walang iba kundi si Matheros.

More Chapters